(NI NOEL ABUEL)
PARARANGALAN sa Senado ang dalawang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nagpakita ng tapang at dedikasyon sa tungkulin at pag-alay ng sariling buhay ang isa sa mga ito para masagip ang mga inosenteng sibilyan.
Nagkakaisa sina Senador Sonny Angara at Senador Christian Lawrence Go, na bigyan ng pagkilala ang dalawang pulis dahil sa ipinamalas na katapangan at hindi pagdadalawang-isip na ialay ang buhay tulad ng isinasaad ng tungkulin ng mga ito.
Ayon kay Go, nakatakda nitong ihain ang isang Senate resolution sa Lunes, Disyembre 9, para kilalanin ang nasabing mga pulis dahil sa ‘exemplary courage and heroism’.
Kabilang dito si Police Senior Master Sergeant Jason Magno, na nasawi matapos gamitin ang sariling katawan para hindi madamay ang mga estudyante sa sumabog na granada sa Initao College sa bayan ng Initao, Misamis Oriental.
“Master Sergeant Magno responded to the call of duty to protect the lives of civilians. Without thinking of his own safety, he used his body to cover the grenade, saving more lives but tragically losing his own in the process,” sabi naman ni Angara.
Samantala, personal na tinungo nina Pangulong Rodrigo Duterte at Go ang lamay ni Magno kung saan binigyan ito ng President posthumous award na Order of Lapu-Lapu Magalong Medal na ibinigay sa pamilya nito.
Maliban dito ay binigyan din si Magno ng PNP Medal of Valor o Medalya ng Kagitingan kung saan nakatanggap ang pamilya nito ng financial assistance.
Tinungo rin nina Duterte at Go ang kinalalagyan ng isa pang pulis na si Police Senior Master Sergeant Alice Balido na kabilang din sa nasugatan sa nasabing insidente na pinagkalooban ng Order of Lapu-lapu Kampilan Medal at financial assistance mula sa Office of the President.
347