SA kagustuhang mabigyang katuparan ang ibinandera noong panahon ng kampanya na ibababa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa P20 kada kilo ang bigas, hinimok na ng Malakanyang ang mga local government unit na makipagtulungan.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), ‘double time’ na ang kanilang pagtatrabaho para matupad ang pangako ni Pangulong Marcos Jr.
Sa isang kalatas ng Malakanyang, sinabi ni DA Assistant Secretary for Operations Arnel de Mesa na ang departamento, LGUs at mga magsasaka ay nagsanib-puwersa para maibaba ang presyo ng bigas sa halagang P20.00 hanggang P25.00 kada kilo.
“Everyone’s working double time and giving their share to make sure that the targets of the President are delivered,” ayon kay de Mesa.
Sa ngayon, ang bigas ay nabibili sa halagang P25.00 kada kilo sa “Bigasan ng Bayan” sa Negros Occidental, may suporta mula sa Federation of Irrigators Association of Central Negros-Bago River Irrigation System (FIACN-BRIS).
Samantala, may kabuuang 10% naman ng produksyon ng FIACN-BRIS ang ibinebenta sa “most vulnerable sector.”
“We are not only looking after the welfare of the consumers but the rice producers as well,” ayon kay de Mesa.
Sa Cebu, sinimulan nang magbebenta ng P20 kada kilo ng bigas.
Ayon kay Governor Gwen Garcia, ito ay bilang suporta sa adhikain ng administrasyong Marcos na mabigyan ang mamamayan ng murang bigas.
Pagmamalaki ni Garcia, ang kanyang lalawigan ang unang makapagbebenta ng NFA rice ng P20 kada kilo, ngunit iaalok muna ito sa mahihirap na pamilya.
Naglaan umano ang pamahalaang panlalawigan ng Cebu ng pondong P100 milyon para makabili ng bigas sa NFA at saka ito ibebenta.
(CHRISTIAN DALE)
270