Bestseller na sa Fully Booked KINGMAKER BOOK NI ATTY. VIC PATOK

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

INIHILERA ng Fully Booked ang librong ‘Kingmaker’ — nagsasalaysay sa paglalakbay ng abogadong si Vic Rodriguez — sa mga bestseller na estante sa lahat ng sangay nito dahil sa magandang ipinakita nito sa merkado.

Isinama ang ‘Kingmaker’ sa kilalang listahan sa Fully Booked, katabi ng ‘Spare’ ni Prince Harry

at ‘Be Useful: Seven Tools for Life’ ni Arnold Schwarzenegger, at iba pang tanyag na personalidad.

Opisyal na inilabas ang ‘Kingmaker’ noong Hulyo 7 at pagkaraan ay ibinenta sa Fully Booked, Solidaridad, Popular Bookstore, at Baybayin.

Ang ‘Kingmaker’ ay kuwento ni Rodriguez bilang spokesperson sa electoral protest ng noon ay vice presidential candidate na si Ferdinand Marcos, Jr.

Mababasa rin dito kung paanong napagwagian ng kapangalan at anak ng yumaong diktador ang opinyon ng publiko sa 2022 presidential elections.

Mahaba at matitinding kampanya rin ang pinagdaanan ni Rodriguez para sa eleksyon.

Nagwagi si Marcos at itinalaga si Rodriguez bilang unang executive secretary at kalaunan ay chief of staff.

Ngunit naipit si Rodriguez sa pamamalakad sa pagitan ng Pangulo at maybahay nitong si Liza Araneta -Marcos na nais mangibabaw sa mga itatalagang opisyal sa ilang kumikitang ahensya ng gobyerno.

Bumigay ang Pangulo. Nakuha ng Unang Ginang ang nais, dahilan para magbitiw sa tungkulin si Rodriguez matapos lamang ang 79 araw.

Marami pang rason kung bakit iniwan ni Rodriguez si Marcos kahit pa man ginawa nito ang mabibigat na trabaho para lamang makabalik ang mga Marcos sa Malacanang.

Marami pang masusustansiyang detalye na hindi batid ng publiko sa pamamalakad ni Marcos, maging sa panahon ng pangangampanya noong 2022 at maging sa nakalipas na administrasyon, na nakapaloob sa libro.

Tampok din ang insider’s account, a first-person account tungkol sa kung paanong hubugin ang isang presidente, hindi lamang ng ibang kandidato kundi kay Marcos na ang ama, ina at buong pamilya, kabilang ang batang Marcos, ay pinatalsik bunsod ng people power revolution noong Pebrero 1986.

Tumakas ang mga Marcos sa kainitan ng rebolusyon at kalaunan ay humarap sa iba’t ibang kaso ng nakaw na yaman at paglabag sa karapatang pantao.

Walang nakaisip na posibleng makatuntong muli sa Malacanang ang mga Marcos.

Si dating pangulong Rodrigo Duterte na sumulat sa foreword ng libro ay nagsabing dapat mabasa ito ng lahat matapos.

“Not a few would gladly pay for a tidy sum just to get a first-hand look into the workings inside Malacanang in the heady days after the 2022 elections and the first sign of the cracks would destroy, perhaps forever, a bond that had weathered many storms,” ayon kay Duterte sa kanyang foreword.

Isang higante sa literatura sa Mindanao, sinabi ng manunulat na si Christine Godinez-Ortega na ang libro ay ‘reader friendly’ dahil sa deretsahang pagkukuwento, magandang layout, teksto at larawan gayundin ang pagkakaayos ng mga opisyal na dokumento sa dapat na paglagyan.

“The book’s five chapters proceed methodically from laying the groundwork for its being and becoming — getting to know Rodriguez, the process of how he became a Kingmaker, the challenges he had to face and how he hurdled them, to finally breaking ties with the man he worked hard to be elected President of our country,” ayon sa kanyang rebyu sa libro noong Agosto 13.

Sa paglulunsad ng libro noong Hulyo 5, taong ito sa isang hotel sa Pasig City, sinabi ni Rodriguez na pinili niyang manahimik sa gitna ng matinding mga paninira at kasinungalingang ibinato sa kanya.

“Yung mga nanira sa akin, tuwang-tuwa nung ako’y nanahimik. Feeling nila ako’y nalusaw na. Hindi nila ako kilala. Instead na sagutin kita o kayo sa isang interview, ililibro ko at lalagyan ng dokumento ‘yung aking sagot sa inyo. Upang aking harapin sa tamang panahon ang mga ibinintang ninyo na ako ay kapit-tuko, ako ay power-hungry, ako ay nagbebenta ng posisyon, ‘yang appointment for sale at ako ay inalis o na-ease out sa Malacañang. ‘Yan lahat ay nasa libro,” aniya.

Kaya naman sa nasabing ‘tell-all’ book ay isa-isang inilahad ni Rodriguez ang kanyang karanasan, sakripisyo, sinagot ang mga paninira at kung ano-anong kasinungalingan na ibinato sa kanya sa panahon na siya’y nanungkulan bilang unang Executive Secretary ng administrasyong Marcos Jr.

Iginalang ni Rodriguez ang tanggapan ng Executive Secretary, maging ang pagkakaibigan nila ni Marcos Jr. kaya sa kabila ng maaanghang na salita at mga akusasyon – pinili niyang manahimik.

Ang ‘Kingmaker’ ay isinulat ni Ginoong Gerry Lirio. Ang Hard Bound copy ay nagkakahalaga ng P1,450.00 habang ang Soft Bound copy ay P999.00.

Bukod sa bookstores, maaaring umorder online, mag-email lang sa: kingmakerthebook@gmail.com

48

Related posts

Leave a Comment