BIKTIMA NG BAGYONG TISOY PAUTANGIN NANG WALANG INTERES — SOLON 

(NI BERNARD TAGUINOD)

HINILING ni Albay Rep. Joey Salceda sa Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) na pautangin nang walang interes ang mga biktima ng bagyong Tisoy, partikular na sa Albay na isa sa mga labis na nasalanta.

Nais ni Salceda na katumbas ng anim na buwang sahod ang ipatutupad ng SSS at GSIS sa kanilang mga miyembro sa nasabing lalawigan upang magamit nila ito sa muli nilang pagbangon.

Nabatid kay Salceda na nag-alok na umano ang Home Development Mutual Fund o Pag-Ibig fund ng express home rehabilitation and reconstruction loan (HRRL) sa kanilang mga miyembro sa Albay.

Umaabot umano sa P150,000 ang inaalok na pautang ng Pag-Ibig kung saan maging ang mga may utang ay puwedeng makautang ulit para magamit sa pagpapaayos sa kanilang nasira bahay.

Hindi na rin umano sisingilin ng processing fees ang mga mangungutang at walang ipapataw na interest.

Kasabay nito, nanawagan si Salceda sa mga mga gustong tumulong sa mga biktima ni Tisoy na pera na lamang ang ibigay imbes na mga kagamitan na karaniwang ginagawa  sa panahon ng kalamidad.

“Cash is a best form of relief as it gives the choice to the victims,” ayon pa sa mambabatas.

189

Related posts

Leave a Comment