(NI JG TUMBADO)
HABANG papalapit ang national midterm elections sa May 13, lalo pang nadagdagan ang bilang ng itinuturing na election hotspot sa bansa.
Ito ang binanggit ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde sa kanyang regular press conference sa Camp Crame, nitong Lunes.
Sinabi ni Albayalde na nasa kabuaang 941 ang election hotspots sa buong bansa.
Katumbas ito ng 57.60 percent sa 1,634 na lungsod at munisipalidad na tinututukan ngayon ng pulisya sa buong kapuluan.
Ayon sa PNP Chief, nasa 131 na bayan ang nasa ilalim ng yellow category o areas of concern, 238 ang nasa orange category o areas of immediate concern at 570 naman ang nasa red category o areas of grave concern.
Ang mga lugar na kabilang sa yellow category ay mayroong naganap na election-related incidents, matinding political rivalry na isinasailalim sa mahigpit na pagmomonitor ng Commission on Elections (Comelec).
Ang orange category ay mga lugar na may seryosong banta ng mga rebeldeng grupo.
Habang ang red category naman ay kombinasyon sa yellow at orange criteria.
Pinakamaraming ikinonsidera bilang red area ang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may 118 at sumunod ang 93 na bayan mula sa Northern Mindanao.
Paliwanag pa ni Albayalde, walang red area sa National Capital Region (NCR) at sa Ilocos Region.
Nasa ilalim naman umano ng Comelec watch ang Cotabato City at Daraga City sa Albay.
Tiniyak ni Albayalde na mas paiigtingin ang operasyon ng PNP sa pagsisimula ng campaign period para sa mga lokal na kandidato sa March 29.
143