(NI JG TUMBADO)
HABANG papalapit ang araw ng eleksyon sa Lunes, May 13, posible umanong madagdagan pa ang bilang ng mga karahasan at pagpatay sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ito umano ang ikinababahala ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa kasalukuyang nakikitang sitwasyon sa mundo ng pulitika sa bansa patungkol sa election-related violence.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Bernard Banac, nasa 14 na ang bilang ng mga nasawi dahil sa mga kaso ng pagpatay na may kaugnayan sa halalan.
Sa datos ng PNP Central Command, mula nang mag-umpisa ang election period ay umabot na sa 31 kaso ng election-related violence ang naitala sa buong bansa.
Gayunman, sinabi ni Banac na mas mababa ang datos ngayong 2019 elections kumpara sa mga naitalang karahasan noong 2013 at 2016.
Noong 2013 elections, umabot sa 142 ang nasawi sa 94 na election-related incidents; habang 192 naman ang nasawi noong 2016.
Giit ng opisyal, makatutulong ang pagtatalaga ng karagdagang mahigit sa 140,000 police force sa buong kapuluan para bantayan ang seguridad ng publiko at tiyaking magiging mapayapa ang araw ng eleksyon
106