Bilang ng pabor sa impeachment lumolobo LEONEN LAMPASO SA KASO

0

NELSON S. BADILLA

MAHIGIT 200 pangkaraniwang mamamayan ang boluntaryong nagbigay ng kanilang suporta sa reklamong impeachment laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.

Hanggang nitong Disyembre 16, 228 na pangkaraniwang mamamayan ang iminarka ang malinaw nilang boses, sa pamamagitan ng paglagda sa petisyong “Impeach Justice Marvic for failure to file 15 years of SALN and having most backlog cases” na naka-post sa change.org.

Nitong nakalipas na apat na araw ay wala pang 200 ang nakalagda sa petisyon.

Hangad ng petisyon na makakuha ng 500 lagda mula sa iba’t ibang seksiyon ng lipunan na naglalayong ipakita at patunayan kay Leonen na mayroong substansiyal na bilang ng pangkaraniwang tao mula sa iba’t ibang sektor ang nagpamalas ng interes hinggil sa mga kasong inihain laban kay Leonen.

Ang SALN ay tumutukoy sa Statement of Assets, Liabilities and Net worth kung saan ang paghahain nito ay obligasyon ng bawat opisyal at kawani ng pamahalaan, alinsunod sa itinakda at ipinag-utos ng Republic Act 6713, o ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Official and Employees.

Si Associate Justice Leonen ay empleyado ng pamahalaan nang pumalya umanong magsumite ng kanyang SALN ng 15-taon habang nagtatrabaho bilang propesor ng abogasya sa University of the Philippines-College of Law, banggit ni Edwin Cordevilla, pangkalahatangโ€“kalihim ng League of the Filipino Advocates for Good Governance-Maharlika (FLAG-Maharlika) nang sampahan niya si Leonen ng reklamong impeachment sa House of Representatives noong Disyembre 7.

Ang change.org ay isang online platform kung saan maaaring makakuha ng suportang publiko ang sinoman at anomang organisasyon, sa pamamagitan ng online petition, sa mga isyung pinaniniwalaan nilang interesado ang mamamayan.

Sa pamamagitan nito, nakalalahok ang pangkaraniwang tao sa paglaban sa opisyal ng pamahalaan na itinuturing na nakagawa ng krimen laban sa mamamayan at mga batas ng bansa.
Ang nasabing petisyon ay kongkretong aksyon na nagpapakita ng suporta ng publiko sa kagustuhan ng FLAG-Maharlika na tanggalin si Leonen mula sa Korte Suprema dahil sa krimeng “culpable violation of the Constitution and betrayal of public trust”.

Banggit ng petisyon: “Let us show the will of the people to our congressmen and senators and support Filipino League for Good Governance’s Edwin Cordevilla”.

Matatandaang idinetalye ni Cordevilla sa kanyang reklamo kung paano sadya umanong nilabag ni Leonen ang ilang probisyon ng Konstitusyong 1987.

Makaraang basahin ang beripikadong reklamo ni Cordevilla na inilagay sa change.org, isa sa mga lumagda ay nagpahayag na si Leonen ay “biased, inefficient & lazy. He does not have the brilliance and integrity required of Associate Justice of the Supreme Court”.

Ang isa pa ay iginiit na: “yes he should be impeached because he does not deserve to be the justice of the Supreme Court and he does not do his job in accordance with the salary he receives from the people’s money”.

Tinanggap at inendorso ni Ilocos Norte Rep. Antonio Marcos Barba ang reklamong impeachment ni Cordevilla dahil malakas ang batayan nito laban sa mahistrado.

Idiniin din niya sa media na ang kanyang pinsang si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay walang papel sa kanyang desisyon pabor sa impeachment, sapagkat ang huli ay hindi maaaring magdikta o magsulsol, ng anomang ideya sa kanya.

Kapag umabot ng 101 ang lalagdang mambabatas, kabilang si Barba, ang reklamong impeachment ay tatalakayin sa Justice Committee ng Kamara na pinamumunuan ni Leyte Rep. Vicente Veloso na nagretiro mula sa hudikaturang sangay ng pamahalaaan bilang Court of Appeals (CA) justice bago siya naging mambabatas.

Nilinaw rin sa media ng mga mambabatas mula sa mayorya at minorya na sila ay aktibong lalahok sa proseso ng impeachment sa 2021.

Ayon kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, vice chairman ng Justice Committee, ang pagsasampa ng reklamong impeachment laban kay Leonen ang siyang “correct legal move” upang tapusin ang termino ng serbisyo niya sa Korte Suprema, sa halip na ipadaan ito sa petisyong quo warranto.

Ang katotohanan sa opisyal na reklamo ng FLAG-Maharlika sa Kamara ay pagtupad sa Artikulo 11, Seksiyon 3 ng Konstitusyong 1987, diin ni Deputy Speaker Rodriguez sa media.

Inihayag din ni House Minority Leader Joseph Stephen Paduano ng Abang Lingkod party-list, na ang minorya na kinabibilangan ng 25 kongresista “will perform its constitutionally mandated duty in the impeachment process”.

Idiniin sa reklamo ni Cordevilla ang kapalpakan ni Leonen na maghain ng kanyang SALN ng 15 taon ay hindi lamang paglabag sa R.A. 6713, ngunit higit sa lahat ay sadyang pagtutol ito sa Seksyon 17, Artikulo XI ng Konstitusyon.

Ang iba pang krimeng nagawa umano ni Leonen, batay sa reklamo ni Cordevilla, ay ang ‘di nito pagbibigay ng desisyon sa 82 kasong isinampa sa Korte Suprema kung saan idiniin ng opisyal ng FLAG-Maharlika na ito ay sadyang paglabag sa Seksiyon 15, Artikulo VIII na nakaugnay sa Seksiyon 16, Artikulo III ng Konstitusyong 1987.

Isa sa mga kasong inihain sa mataas na korte ay iyong isinampa noong Enero 13, 2013, kung saan wala pang dalawang buwan mula nang itinalaga si Leonen bilang mahistrado noong Nobyembre 29, 2012 ng noo’y Pangulong Benigno Cojuangco Aquino III, ang “Julie Parcon Song versus Lilia Parcon.

Ang isa pang kaso na lalong magdidiin umano kay Leonen sa sadyang paglabag sa Konstitusyon ay ang kawalan niya ng desisyon sa 34 protestang elektoral na isinampa sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) kung saan siya ang pinuno, banggit ni Cordevilla.

Isa sa mga kaso ay ang protestang elektoral laban kay Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, kasapi ng Liberal Party (LP) kung saan kinikilalang pinuno pa rin si dating Pangulong Aquino.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publicationโ€™s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment