(NI BERNARD TAGUINOD)
BAGAMA’T matagal nang ipinanawagan na magtayo ng evacuation centers sa bawat barangay sa bansa, patuloy na natutulog, hindi lamang ngayon, ang nasabing panukala kundi sa mga nagdaang Kongreso.
Ito ang nag-udyok kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate para kalampagin ang dalawang Kapulungan ng Kongreso na bigyan na ng atensyon ang kanilang panukala upang magkaroon ng evacuation center sa bawat barangay.
“Our proposed evacuation centers should be typhoon, earthquake and disaster resistant so that the victims would be safer and would not be confined in tent cities which are exposed to the elements,” ani Zarate subalit hindi pa ito inaaksyunan ng Kongreso.
Ginawa ng mambabatas ang pangangalampag kasabay ng pananalasa ng bagyong Tisoy sa Bicol region na naranasan naman sa Metro Manila at mga karatig lalawigan tulad ng Quezon.
Ayon sa mambabatas, kapag panahon ng kalamidad lalo na ang bagyo, sa mga eskuwelahan at mga multi-purpose hall dinadala ang mga evacuees subalit hindi pa rin umano ito ligtas sa mga taong apektado ng bagyo.
Kapag panahon naman aniya ng lindol, sa labas natutulog ang mga biktima dahil walang pasilidad na matatag para maging silungan ng mga ito.
“Naisabatas na ang Bayan Muna bill na Free Mobile Disaster Alerts law o ang Colmenares law, isang hamon naman sa pamunuan ng Kongeso ngayon ang mabilisang pagpapasa ng HB 5259 dahil mahirap namang maaksidente pa ang mga nasalanta na nga tulad ng nangyari sa superbagyong Yolanda at iba pang mapaminsalang kalamidad. Dapat ay matugunan na pangangailangan ng ating mga kababayang nasalanta,” ayon sa kongresista.
172