(Ni NELSON S. BADILLA)
NANINIWALA ang chairman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na nararapat lamang kasuhan upang makulong sina House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at Majority leader Rolando Andaya Jr., sapagkat tahasang linabag nila ang Konstitusyon nang isingit umano nila ang multi-bilyong pork barrel sa mungkahing P3.757 trilyong badyet ng pamahalaan para sa susunod na taon.
Idiniin ni Leody de Guzman sa Saksi Ngayon Newsbreak online na malinaw ang desisyon ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang pork barrel, kaya idiniin nitong nararapat lamang na kasuhan sina Arroyo at Andaya sa paglabag sa Konstitusyon.
Ang pahayag ni De Guzman ay may kinalaman sa isiniwalat ni Senador Panfilo Lacson na umabot sa kabuuang P2.4 bilyon ang napuntang pork barrel para sa distrito ni Arroyo sa Pampanga, samantalang P1.9 bilyon naman ang inilaan sa distrito ni Andaya sa Camarines Sur batay sa nakasaad sa mungkahing batas na ipinadala sa Senado.
Sinimulan nag busisiin ng Senado ang ipinasang P3.757 trilyong pambansang badyet ng administrasyong Duterte para sa susunod na taon.
Iba pa ang tig-P60 milyong pondo umano ng mga kongresista sa kanilang mga proyekto na kinarga sa P3.757 trilyong pambansang badyet.
Ang tinutukoy ni De Guzman na nilabag ng dalawang pinuno ng mababang Kapulungan ng Kongreso ay ang desisyon ng pinakamataas na korte sa bansa ay inilabas na desisyon noong pangulo pa si Benigno Simeon Aquino III.
Idiniin sa nasabing pasya na walang binabanggit ang Saligang-Batas na legal ang pork barrel sa pambansang badyet ng pamahalaan.
Hindi itinanggi nina Arroyo at Andaya ang nasabing mga pork barrel, ngunit wala raw silang kinalaman sa pagkarga ng nasabing mga pork barrel para sa kanilang mga distrito.
“[Ang] kakapal ng mukha. Sinagasaan ang SC (Supreme Court) decision na unconstitutional ang pork barrel,” tugon ng BMP chairman.
Idiniin niya na “kung ang bilyun-bilyon na ‘yan na pork barrel ni GMA, Andaya at mga congressmen ay inilalaan sa pagbuhay ng bumagsak na industriya ng garment, pagpapaunlad ng pangisdaan, agrikultura, o industriya ng bakal, makalilikha tayo ng maraming trabaho, magmumura ang mga produkto sa mga sektor na ito.”
“Posible pa na kapag ganap na napaunlad [ang mga nasabing industriya] ay tayo ang makapag-export at hindi ang taga-import ng mga bagay na sagana tayo,” paliwanag ni De Guzman.
109