BONG GO NILAGLAG DAVAOENO PARA SA POLITICAL CAREER?

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

GANITO ang nabuong haka-haka ng netizens matapos ang tila paglalabas ng sama ng loob ni Davao City Mayor Baste Duterte sa pananahimik ni Sen. Bong Go sa mga panggigipit aniya sa kanilang mga kababayan.

Sa Hakbang ng Maisug rally sa Angeles, Pampanga noong nakaraang Lunes, ginulat ng batang Duterte ang publiko nang ihayag nito ang saloobin patungkol kay Go na hindi pa naririnig magsalita hinggil sa sitwasyon sa Davao City.

Tila may halong panghihinayang at panunumbat na sinabi ni Baste na kung alam lamang daw niyang hindi titindig at magsasalita si Go para sa mga Davaoeño, hindi na lang daw sana niya ito sinuportahan noong nakaraang eleksyon.

“Ikaw Bong Go, kumpare kita. Pero kung alam ko lang pala na magkakaganito, you know, ‘yung mga tao, kaming mga Davaoeño nagboto kami sa iyo. Kung alam ko na lang na ganito lang pala ‘yung gagawin mo, sana hindi na lang,” giit ni Baste.

Magkagayunman, may panahon pa aniya para i-redeem ng senador ang sarili.

“Pare, Bong, you have time to redeem yourself. You have time na ipakita na you will stand by the Filipino people so your love, ‘yung pagmamahal mo sa bansa [ay] mas umaapaw pa kaysa sa pagmamahal mo sa sarili mo, kasi hirap na hirap na ang mga tao ngayon,” aniya.

Sa gitna nito, may mga nagsasabing posibleng pinili ng senador ang manahimik at hindi makisawsaw sa kaguluhan partikular sa paglusob ng PNP sa mga compound ni Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy sa Davao dahil maaaring maapektuhan ang kanyang muling pagtakbo sa midterm election.

Maging sa pagkahati ng UniTeam ng mga Duterte at Marcos ay wala ring reaksyon ang senador.

Matapos ang tila paninita ni Baste kay Go ay biglang lumutang sa social media ang larawan nito kasama ang magkapatid na Sen. Imee Marcos at Pang. Bongbong Marcos.

Dahil dito, maraming nagsasabi na iniwan na nga ng senador ang kampo ng mga Duterte.

Nang tanungin naman si Mayor Duterte kung sa tingin niya iniwan na ni Go ang amang si dating Pangulong Duterte, sagot ni Baste: “Could be, possible. You know, politics, hindi mo talaga maano–you can never guess what will happen next in politics.”

Gayunman, may babala siya sa senador. “Kung gusto n’ya pang tumakbo ng senador ulit, show that he is one with the Davaoeños, especially in times like this,” saad ng alkalde.

Si Go ay nagsilbi bilang Special Assistant to the President Secretary sa administrasyong Duterte.

Sa isang pahayag naman ay sinabi ni Go na naiintindihan niya ang saloobin ng alkalde.

“Matagal akong nagsilbi nang tapat sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte. Half of my life was spent with him and even until now, I continue to help in my personal capacity, however small, dahil commitment ko ‘yan sa kanya na hinding-hindi ko siya pababayaan,” ani Go.

40

Related posts

Leave a Comment