BORACAY BALIK BILANG ISA SA WORLD’S BEST ISLANDS

(NI PAOLO SANTOS)

BUNGA ng isinagawang rehabilitasyon sa isla ng Boracay at sa ilang buwang pagsisikap ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) muling naisaayos ang isla na tinawag noong “cesspool,” at muli itong itinanghal na isa sa best islands sa buong mundo ngayong taon.

“We couldn’t be more proud of what Boracay has become after one and a half years of rehabilitation,” sabi ni Environment Secretary at BIATF chair Roy A. Cimatu.

Ayon sa Conde Nast Traveler na kinikilala at pinagkakatiwalaan sa larangan ng lifestyle travel, ang Boracay ang best island sa Asia at isa sa 30 pinakamagandang islands sa buong mundo sa taong 2019.

Noong isang taon ay hindi napasama ang Boracay sa listahan ng magagandang isla dahil sa isinagawang rehabilitasyon dito matapos ang dalawang magkasunod na taon noong 2016 at 2017 na kilalalin ito bilang world’s best island

Ngayong taon ay hinati sa anim na grupo ang pagkilala sa mga pinakamagandang isla sa mundo. Ito ay ang Asia, Australia and South Pacific, Caribbean and Atlantic, Europe, North America at United States.

Sinabi ni Cimatu na ang ginawang pagsisikap ng gobyerno upang maibalik ang ganda at linis ng Boracay ay umaani na ng tagumpay matapos itong kilalanin ng “global authority” tulad ng Conde Nast Traveler.

Ayon pa sa kalihim, mahigit 80 porsiyento na ng rehabilitasyon ng Boracay ang natapos.  Ang BIATF ay may hanggang May 2020 pa para tapusin ang isinasagawang rehabilitasyon o dalawang taon simula nang buuin ito ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pamamagitan ng Executive Order No. 53 na inilabas noong isang taon.

Matapos ang isa at kalahating taong rehabilitasyon, inanunsiyo ni Cimatu na ang water quality ng kilalang White Beach sa Boracay ay malaki na ang ipinagbuti. Ang coliform count nito ay nasa range ng less than 1 most probable number per 100 milliliters (mpn/100ml) hanggang 11.9 mpn/100ml na mas malinis sa standard quality na 100mpn/100ml para sa recreational waters.

Idinagdag pa ni Cimatu na mas pinaigting pa ng gobyerno ang isinagawang rehabilitasyon sa Boracay sa taong ito sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng environmental laws and regulations.

Aniya, malapit nang makumpleto ng task force ang pag-demolish sa mga establisimyento na lumabag sa 25+5-meter beach easement rule matapos gibain ang sampung natitirang illegal structures sa kahabaan ng Bulabog Beach noong nakalipas na Nobyembre 10.

Noong nakalipas ng buwan din ay naglabas ng notice to vacate ang Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group na pinamumunuan ni general manager Natividad Bernardino, sa mga may-ari ng commercial viewpoint na matatagpuan sa forestland ng Mt. Luho dahil sa paglabag sa Presidential Decree 705 ng Revised Forestry Code of the Philippines.

 

150

Related posts

Leave a Comment