Border security hinigpitan LSIs PUMUPUSLIT SA EASTERN VISAYAS

PINAIGTING ng Joint Task Force COVID Shield ang border control at pagbabantay sa mga pantalan at paliparan kasunod ng ulat na pagpuslit ng mga Locally Stranded Individual (LSI) sa mga lugar na umiiral ang travel ban partikular sa Eastern Visayas.

Ayon kay P/Ltgen Guillermo Eleazar, commander ng JTF COVID Shield, inatasan niya ang lahat ng field and unit commanders na manmanan mabuti ang mga border papasok sa iba’t ibang lalawigan na maaring lusutan ng mga LSI.

Inihayag pa ni Eleazar na nakipag-ugnayan na siya kay Philippine Coast Guard Commandant, Vice Admiral George Ursabia para sa pagsasagawa ng intensified sea and border patrol, harangin ang mga LSI na gumagamit ng bangka o ibang uri ng seacraft para makapasok sa iba’t ibang lalawigan kung saan pansamantalang suspendido ang pagpapabalik lalo na sa Eastern Visayas.

Sinabi pa ng heneral na ang intensified security measures na ginagawa sa Eastern Visayas ay ipatutupad din sa Western Visayas at Cebu gayundin sa Mactan Islands para masawata ang pagpuslit ng LSIs.

Nabatid na ang repatriation ng LSIs sa Western Visayas, Eastern Visayas, Cebu at Mactan Islands ay sinuspinde sa loob ng 15 days base na rin sa kahilingan ng Local Chief Executives.

Ito ay para mabigyan sila ng sapat na oras para mapaluwag ang punuang mga ospital at para ma-decongest and disinfect ang kanilang mga quarantine facility at maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. (JESSE KABEL)

187

Related posts

Leave a Comment