BROILER INDUSTRY APEKTADO NA SA RICE TARIFFICATION LAW

(NI BERNARD TAGUINOD)

HINDI lamang ang mga magsasaka ang apektado sa Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law kundi ang Broiler o livestock industry  o mga nag-aalaga ng baboy,  baka manok at maging ang mga fishpen operators.

Ito ang ibinabala ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite matapos tumaas ang presyo ng darak na ginagamit ng mga industry players sa kanilang mga alaga dahil sa pagbaha ng imported rice sa bansa.

“Lahat sila nagrereklamo dahil bunga nitong importation ng bigas,  tumaas ang presyo ng darak na kailangan nila sa kanilang industry,” ani Gaite.

Hindi nagbigay ng datos kung gaano kataas ang presyo ng darak sa kasalukuyan  subalit nasasaktan umano ang mga livestock industry sa mataas na halaga nito dahil sa kakulangan ng supply dahil bigas na ang inaangkat ng mga rice traders at hindi palay.

Nangangamba ang mambabatas na walang ibang magdusa rito kundi ang mga consumers dahil tiyak na ipapasa ng mga negosyante sa industriyang ito ang dagdag na gastos sa pag-aalaga ng manok, baka at isda.

HUWAG ITAGO KAY DUTERTE ANG TOTOONG SITUWASYON SA BUKID

Umapela naman si Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat sa mga opisyales ng gobyerno na huwag pagtakpan ang totoong nangyayari umano sa bukid upang magresolba ang problema ng mga magsasaka.

Ginawa ng kongresista ang pahayag dahil ipinalalabas umano ng Philippine Statistic Administration (PSA) na mataas pa rin umano ng palay sa bansa na taliwas aniya sa totoong sitwasyon sa bukid.

“Huwag pagtakpan ang katotohanan. We have to acknowledge the problem if we want to solve it,” ani Cabatbat dahil ang nakakarating na impormasyon umano kay Duterte ay nasa P17 pataas ang presyo ng palay gayung P7 hanggang P10 na lamang binibili ang palay sa mga magsasaka.

“Kaya ipinagsisigawan namin, huwag nating haluan ito ng pulitika. Yung problema ng magsasaka ay huwag sanang gamitin ng kung sino-sino para sa kanilang political motives. Let solve the problem by having an accurate data,” ayon pa sa mambabatas.

 

132

Related posts

Leave a Comment