(NI BERNARD TAGUINOD)
BAGAMA’T hindi pa naitatatag ang Department of Overseas Filipino Workers, inaprubhan na ang pondo ng nasabing departamento na isa sa mga ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na itatatag.
Sa pagdinig ng House appropriation committee, may inisyal na P3 Billion ang nasabing departamento na tatawaging ‘Department of Filipinos Overseas’ dahil hindi lamang ang mga manggagawang Filipino sa ibang bansa ang sasakupin nito kundi lahat ng Pinoy na nakatira sa iba’t ibang panig ng mundo.
Base sa inaprubahan ng nasabing komite, sa unang taon ng nasabing departamento lalo na kapag naitatag na ito ng tuluyan sa 2020, kukunin muna ang pondo nito sa mga ahensyang bubuwagin na tulad ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA) na nasa ilalim ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Kasama rin sa pagkukunan ng pondo ang Commission on Filipinos Overseas (CFO); Philippine Overseas Labor Offices (POLO) at International Labor Affairs Bureau (ILAB) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na nasa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE) at International Social Services Office (ISSO) na nasa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nabatid na ang OUMWA ay may P1.258 billion pondo; P124.369 million ang CFO, habang ang POLO ay may P231.560 million; ILAB, P30.302 million at POEA, P431.419 million.
Bukod dito, may P1.07 Billion naman ang pondo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na ililipat din sa DFO kaya aabot sa P3 Billion ang unang pondo ng nasabing departamento kung sakali.
Gayunpaman, sa mga susunod na taon ay posibleng mas mataas na ang pondo ng DFO kung saan unang ipinanukala na gawing P5 Billion ang budget nito sa unang taon.
Noong Nobyembre ay pinagtibay na sa committee level ang pagtatatag sa nasabing departamento at nakatakda na itong isalang sa plenary debate sa Kongreso.
252