MATAPOS kastiguhin ang gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na umano’y mapanlinlang, bubusisiin na nang husto ang budget ni Vice President Sara Duterte sa susunod na taon na naghahalaga ng P2.003 billion, mas mataas ng 8% kumpara sa P1.8 billion ngayong 2024.
Kasabay nito, mistulang nagkaisa naman ang administration congressmen sa pagkastigo kay Duterte na hanggang ngayon ay hindi pa nito naipapaliwanag sa taumbayan kung saan ginastos ang P125 million intelligence and confidential funds noong 2022.
“When the OVP budget is tackled soon at the House, she should no longer be given a free pass. Her OVP budget must be scrutinized for every spent and not spent. No more and never again shall the VP not be held to the same level of scrutiny as other public officials during the budget hearings,” ani Manila Rep. Joel Chua.
Pinuna rin ni Chua ang nakabibinging katahimikan ni Duterte kapag binubutas aniya ng Chinese Coast Guard ang barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea at maging sa patuloy na pananakot ng China sa nasabing teritoryo.
Bilang paggalang sa pangalawang pinakamataas na lider ng bansa, karaniwang hindi na binubusisi ang budget ng OVP subalit sa pagkakataong ito, sinabi ni Chua na kailangang malaman ng mga tao kung papaano ginagastos ng Pangalawang Pangulo ang kanyang pondo.
Ayon naman kina La Union Rep. Paolo Ortega, hindi ginagampanan ni Duterte ang kanyang tungkulin bilang bise presidente dahil tuwing may problema at kalamidad sa bansa ay nawawala ito o kaya hindi nagsasalita.
“The last we heard from her was when she left with her entourage at the height of super typhoon Carina, while the President and all of us were preparing for the storm’s onslaught,” ani Ortega.
Ayon naman kay Zambales Rep. Jay Khonghun, sa halip na magreklamo si Duterte ay dapat umanong magtrabaho na lamang ito at ipaliwanag sa taumbayan kung paano ginastos ang P125 million sa loob lamang ng 11 araw.
“Hanggang ngayon hindi ipinapaliwanag ni Ma’am Sara sa mga tao kung papaano niya nagastos sa loob ng 11 days ang P125 million confidential funds,” ani Khonghun.
Hindi rin nagustuhan ni Lanao de Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang paggamit nito sa Muslim community para banatan ang gobyerno.
“The Vice President’s statements have a tendency to politicize religious affiliations. We Muslims do not deserve that, we are part of this grand march towards progress and not some separate pitiable entity. This kind of rhetoric only sows division and distracts from the real work that needs to be done,” ani Adiong. (BERNARD TAGUINOD)
92