Bully noon, api raw ngayon? ABS-CBN PATULOY SA ‘PAAWA’ EFFECT

MISTULANG ginamit ng pamunuan ng ABS-CBN ang Joint Hearing ng House committee on legislative franchise at good government and public accountability para magmukhang kaawa-awa ang mga ito.

Sa opening statement ni Carlo Katigbak, chairman ng ABS-CBN, maramdamin itong humingi ng tulong sa kanyang kapamilya para makuha ang suporta ng kanilang mga congressman.

“May mga nagsasabi sa social media na nagpapaawa lang kami. Sana po makausap nyo ang isang tatay o nanay na mawawalan ng hanapbuhay,” ani Katigbak dahil sa susunod na linggo aniya ay mapipilitan na ang mga ito na pangalanan kung sino sa kanilang mga empleyado ang aalisin na sa trabaho.

“Para sa Pilipino, ang pagmamahal sa pamilya ay napakahalaga. Ang ABS-CBN po ang pamilya ko, pamilya na binubuo ng 11,000 na empleyado,” ayon pa kay Katigbak.

Gayunpaman, sinopla ni House deputy speaker Rodante Marcoleta si Katigbak dahil hindi umano 11,000 ang empleyado ng ABS-CBN na regular nilang pinasasahod kundi 2,661 lamang at ang mahigit 8,500 ay mga contractual at talents lamang.

“Huwag niyong isasangkalan ngayon ang inyong mga manggagawa at ang kanilang pamilya. Hindi ganun. Sasagutin niyo ang mga alegasyong ito hindi sa pamamagitan ng emotional appeal,” ani Marcoleta.

Ipinaliwanag ni Marcoleta na maraming empleyado ng ABS-CBN ang naghain ng kaso at nanalo ang mga ito sa National Labor Relations Commission (NLRC) at maging sa Court of Appeals (CA) subalit hindi nila binabayaran ang mga ito.

“Bakit di na lang sinunod at umapela pa sa SC? Yun ba sinasabi sa opening salvo na pagmamahal sa empleyado ganun na lang? ABS-CBN has not regularized it’s contractual workers and talents. ABS-CBN has subcontracted most of its production workers. It even forced some of its workers to sign employment contracts containing waiver of the right to regularization, and those who refused were unceremoniously terminated from work,” ayon pa kay Marcoleta, kaya umano nasira ang career ng mga empleyadong ito.

“Sana ibalita rin sa TV Patrol para mabunyag ang libu-libong ENDO sa kanila,” ayon pa sa mambabatas kung saan hindi rin umano binabayaran ang mga ito sa kanilang benepisyo.

Naglabas din si Katigbak ng ilang minutong video upang ipakita ang mga natulungan umano ng kanilang network sa mga nagdaang panahon sa pamamagitan ng Lingkod Kapamilya.

Gayunpaman, kinuwestiyon ito ni Marcoleta dahil ang ginagamit umano ng ABS-CBN sa pagtulong sa mga tao ay mula sa donasyon at hindi umano malinaw kung may pera ang pamilyang Lopez na ginagastos sa kanilang pagtulong.

“Ito ang nakalulungkot dito mga kababayan. Kapag politiko ang nagkawanggawa, epal ang tawag dito ng ABS-CBN kahit mula pa sa sariling bulsa ng politiko ito nanggaling. Ang Lingkod Kapamilya, puro pangalan ng ABS-CBN ang kanilang ipinangangalandakan katulad po ng nakita natin ngayon (iprinisintang video ni Katigbak). Alam naman natin na galing naman sa donors ang pondo na ginamit nila. Mayroon po kayang nanggaling sa yaman ng ABS-CBN?,” ayon pa kay Marcoleta. BERNARD TAGUINOD

59

Related posts

Leave a Comment