Bulto-bultong shabu magkakasunod nasakote ISYU SA SBMA DIVERSIONARY TACTICS SA NARCO-POLITICS?

Manila International Container Port

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

POSIBLENG ‘diversionary tactics’ ng sindikato sa droga ang ipinapasabog nilang isyu ng umano’y kotongan sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

Ito ang hinala ng impormante ng SAKSI Ngayon na humiling huwag nang pangalanan matapos ang magkakasunod na operasyon ng pulisya kung saan bulto-bultong shabu ang nasamsam.

Sa ulat, panibagong 323.18 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P2.10 billion ang nasabat ng mga awtoridad sa Manila International Container Port (MICP).

Ayon kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda, bahagi ang P210 billion worth na shabu mula naman sa narekober na 530 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 billion.

Sa pamamagitan ng ‘controlled delivery,’ pinalusot muna ng mga awtoridad ang mga naturang shabu sa SBMA saka sinalakay ang isang warehouse sa Mexico, Pampanga. Ang pinakahuling ‘joint operation’ ay nakarekober naman ng bultu-bultong shabu sa Isla Puting Bato, Barangay 20, Tondo, Manila.

Ang matagumpay na operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng PNP, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Customs (BOC), SMBA, National Bureau of Investigation (NBI) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Napaulat na isang politikong dati nang nasa ‘narcolist’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang buhay na naman sa pagpapakalat ng ipinagbabawal na gamot.

Si Narco-politician ay minsan nang nanahimik nang hayagang isama ang pangalan nito sa ‘drug matrix’ ni Duterte.

Naniniwala naman ang ilang miyembro ng intel community na bumalik ito sa sindikato ng illegal na droga gamit ang mga pantalan sa SBMA at Port of Manila.

Ilang araw matapos masabat ang bultu-bultong shabu sa Pampanga ay ‘pinasabog’ naman ang isyu patungkol sa umano’y korapsyon na nagaganap sa SBMA.

Paniwala ng ilan, labis na nasagasaan ng kasalukuyang SBMA administration ang ‘sindikato’ sa Subic Port, partikular na ang mafia ng pagpapalusot ng bultu-bultong shabu sa bansa.

“Para mapagtakpan ang tunay na kalakaran ng shabu na nabuko sa Subic ngayon, kung anu-anong isyu na ang kanilang ginagawa. Diversionary tactics ang tawag diyan,” sabi naman ng isang PNP official na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Magugunitang Hulyo 2016 nang masakote ng PNP ang isang foreign vessel na ginagawang laboratoryo ng shabu.

Mismong si dating PNP chief at ngayo’y Senador Bato Dela Rosa ang nakahuli sa naturang barko na naglalayag sa ‘coastline’ ng Subic, Zambales.

Kung walang nahuli sa ‘latest joint police operations,’ apat na Chinese nationals naman na mula sa Hong Kong ang naaresto sa 2016 Subic, Zambales police operation na nagbigay patunay na sa mismong barko na ginagawa ang shabu.

Ang nasa likod umano ng naturang sindikato ay ang tinutukoy ni PRRD na politikong nasa narco-list.

66

Related posts

Leave a Comment