Bundok at putik tatahakin makapagturo lang MOUNTAIN SCHOOL TEACHERS: DEDIKASYON AT SAKRIPISYO

NAGSISILBI NANG MAY NGITI. Hirap man ang kalagayan, masaya ang mga tinaguriang Mountain School Teacher na nagiging instrumento sila upang matuto ang mga kabataan.

(NILOU DEL CARMEN)

“NAPAPAGOD pero hindi susuko para sa mga minamahal naming mag-aaral,” ito ang saad ni Jhojie Villegas sa video post nito sa Facebook na hinangaan ng netizens.

Ipinakikita ni Villegas sa naturang video ang malaking sakripisyo sa kanilang pagtungo sa pinagtuturuang eskwelahan sa bulubunduking bahagi ng Lopez sa Quezon province.

Tatlong kilometrong putikan at paakyat na lugar ang tinatahak ng limang guro patungo sa Pasipis Elementary School na nasa pinakamalayong barangay ng nasabing bayan.

Ang barangay Pasipis ay nasa 16 kilometro ang layo mula sa kabayanan ng Lopez at 9 kilometro lamang dito ang naaabot ng sasakyan.

Sa panayam kay Villegas, isa sa walong guro sa paaralan na tinaguriang mountain school teachers, halos isang oras din nilang nilalakad ang pathway na paakyat sa eskwelahan na lalo anyang mas mahirap daanan kapag panahon ng tag-ulan.

Dahil sa layo at hirap sa pag-akyat at pagbaba, napagpasyahan ng lima sa mga guro na sa isang bakanteng classroom sa eskwelahan sila matulog sa buong limang araw na school days kaya Lunes ng madaling araw sila umaakyat at Biyernes ng hapon na bumababa.

Bitbit na nila ang kanilang isang linggong damit at mga pagkakin na doon na rin nila niluluto.

Bagamat mahirap ang kalagayan, ayon kay Villegas ay masaya naman sila para sa kanilang nasa 200 estudyante na kanilang nabibigyan ng mga sapat na kaalaman.

Noong nakaraang pandemic, dahil wala naman anyang internet at cellphone signal sa lugar ay binabahay-bahay nila ang kanilang mga estudyante para maipagpatuloy ng mga ito ang kanilang pag-aaral.

Isa lang ang kahilingan nila sa lokal na pamahalaan na malagyan sana ng kalsada ang natitirang bahagi nito na hindi na naabot ng mga sasakyan at nang makagaan sa kanilang pagsisilbi sa mga bata sa kabundukan.

12

Related posts

Leave a Comment