BUS, JEEP BAWAL PA RING BUMIYAHE

JEEPNEY

HINDI pa rin papayagang bumiyahe ang mga bus at jeep sakaling ibaba sa general community quarantine (GCQ) ang buong National Capital Region (NCR) ngayong Hunyo 1.

Ito ay ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia.

Ayon kay Garcia, mahihirapang ipatupad ang social distancing sa mga bus at jeep. Kaya naman, kung sakaling maaprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) ang rekomendasyon ng Metro Manila Council (MMC) na ilagay na sa GCQ ang Metro Manila, limitado pa rin ang transportasyon sa buong NCR.

Napagkasunduan sa pagpupulong ng MMC kahapon, na mga taxi, Transport Network Vehicle Services (TNVS), tricycles, point-to-point vehicles at company-provided shuttle services lang muna ang maaaring bumiyahe sa ilalim ng GCQ.

Ipatutupad na rin aniya ang number coding sa GCQ ngunit modified ito, ibig sabihin, kahit hindi kasama sa coding ang isang sasakyan, maaari itong lumabas kung may kasamang dalawa hanggang tatlong sakay.

Dagdag pa niya, susundin pa rin ang mga panuntunan na ipinatutupad ng IATF-EID kaugnay sa transportasyon habang umiiral ang banta ng COVID-19 sa bansa.

Bunga nito, ipinapayo pa rin sa mga pribadong kumpanya na magbubukas sa Hunyo 1 na magbigay ng shuttle service sa kanilang mga manggagawa para makapasok at makauwi mula sa trabaho. DAVE MEDINA

76

Related posts

Leave a Comment