CASH AID SA HEALTH WORKERS, BINIGYAN NG ULTIMATUM SA BAYANIHAN

NAIS makatiyak ng mga senador na hindi na mauulit sa binabalangkas na Bayanihan Act II ang kabiguan ng Department of Health (DOH) na maibigay ang kompensasyon sa mga health worker na namatay o tinamaan ng COVID 19.

Sinabi ni Senator Ralph Recto na isinulong nila sa Bayanihan Act II na mapabilis ang pagbibigay ng tax-exempted na cash aid sa mga health worker.

Sa bagong probisyon anya sa panukala, malinaw na inilagay ng mga senador ang patakaran na dapat matanggap ng health workers ang cash aid sa loob ng 90 araw na confinement o pagkasawi ng pasyente.

“We are imposing a deadline. Its release should not be at the mercy of red tape,” diin ni Recto.

Sa ilalim ng kasalukuyang Bayanihan Act, ang mga public at private health workers na tinamaan ng virus ay tatanggap ng P100,000, bukod pa sa hospitalization and treatment.

Habang ang mga nasawi ay may benepisyong P1 milyon.

Sa ilalim anya ng “Bayanihan Act II,” exempted sa lahat ng buwis sa ilalim ng National Internal Revenue Code ang death at sickness compensation.

Sa tala hanggang noong June 1, 2020, 32 health care workers ang nasawi sa COVID-19 habang ginagampanan ang pagiging frontline personnel.(Dang Samson-Garcia)

76

Related posts

Leave a Comment