CASH AID SA QUAKE VICTIMS SA MINDANAO LALARGA NA

HINAHANDA na ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang financial assistance para sa mga pamilya na nawalan ng tahanan dahil sa 6.8 magnitude earthquake na tumama sa Mindanao, dalawang linggo na ang nakalipas.

Sa katunayan, sinabi ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar na ipinag-utos na niya sa mga opisyal ng departamento sa Davao Region at Soccsksargen (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos) na bilisan ang probisyon ng financial assistance.

Sa ilalim ng Rental Subsidy and Financial Assistance Program ng DHSUD, ang mga pamilya na may “totally damaged” na bahay ay makatatanggap ng P10,000 cash aid.

Base sa DHSUD data, mayroong 673 bahay ang “totally damaged” sa dalawang rehiyon.

Ipinag-utos din ni Acuzar sa local DHSUD officials na mahigpit na makipag-ugnayan sa mga apektadong local government units (LGUs) at pangasiwaan ang mabilis na pagpapalabas ng financial aid para sa mga pamilya na “totally destroyed” ang mga bahay.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni DHSUD Undersecretary for Disaster Response Randy Escolango na tuloy-tuloy ang kanilang pagmo-monitor sa sitwasyon sa dalawang rehiyon at pinapanatiling updated ang management sa lawak ng pinsala upang matiyak na kagyat na naibibigay ang kinakailangang suporta.

Higit pa sa financial aid, sinabi ni Acuzar na ang mga pamilyang nakatira sa danger zones ay kabilang sa mga “priority beneficiaries” ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ng gobyerno.

(CHRISTIAN DALE)

80

Related posts

Leave a Comment