CAYETANO DEDMA KAY PING

(NI BERNARD TAGUINOD)

HINDI pinag-aksayahan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang alegasyon ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson na puno ng pork barrel ang 2020 national budget na ipinasa ng Kamara.

Sa press conference nitong Lunes, kung saan inilatag ang P9.52 Billion na ‘institutional amendments’ na ipinasok ng Kamara, mariing itinanggi ni Cayetano na may pork barrel ang pambansang pondo na nagkakahalaga ng P4.1 Trillion.

“I’m addressing the Filipino people. There are 105 million Filipinos so anyone can critize. But  I don’t want to respond  to tsismis,” ani Cayetano matapos akusahan ni Lacson ang Kamara na may pork barrel ang ipinasang pondo.

Sinabi ng House leader na sinuman ang magsasabi na may pork barrel ang national budget ay handa umanong humarap ito basta makapagpakita ng ebidensya na may illegal funds dito.

“But if people give us tsismis and say ‘my sources (said), how do you respond to that eh sabi ng Nanay ko huwag akong maging tsismoso. So kung nakipag-tsismisan ka, tsismoso ka na rin di ba?,” ani Cayetano.

Hindi aniya dapat igaya ang 18th Congress noong nakaraang Kongreso kung saan vineto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2019 national budget dahil sa pork barrel na umaabot sa P95 Billion.

“The senator ang binabanggit mo ay isang kaibigan, we respect his advocacy but hindi niya matanggap na ang House na ito is also anti-pork,” ayon pa kay Cayetano.

Samantala, sa P9.52 na Constitutional amendment na ipinasok ng Kamara, P3.75 Billion ay kinuha sa Department of Public Works and Highway (DPWH) at P5.77 Billion ay mula naman sa Commission on Election (Comelec) na gagamitin sana sa barangay at sangguniang kabataan (SK) election subalit hindi itutuloy ang halalan.

Sa nasabing halaga, P3.5 Billion ay idinagdag sa  P7 Billion na pondo ng National Food Authority (NFA) para ipambili ng palay, P800 Million na dagdag pondo   Department of Education (DepEd); P500 Million sa Department of Environment and Natural Resource (DENR); P200 million sa Department of Health (DOH); P274.95 million sa Department of Transportation (DOTr); P250 Million sa Dangerous Drug Board; P500 Million sa National Electrification Administration (NEA); P500 Million sa Metro Manila Development Authority (MMDA); P500 Million sa Philippine Sport Commission (PSC) at tig-P1 Billion sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa pagpapasaayos sa kanilang mga kampo.

“Lahat ng inilagay naming changes walang pork dyan,”  ayon pa kay Cayetano.

 

126

Related posts

Leave a Comment