CAYETANO, VELASCO ‘BINUSALAN’ NG PALASYO

PINAGBAWALAN ng Malakanyang ang kampo nina Marinduque Rep. Lord Alan Velasco at Speaker Alan Peter Cayetano na magpatutsadahan sa gitna ng kanilang bangayan sa speakership.

Ito ang nabatid ng Saksi Ngayon mula sa isang mapagkakatiwalaang source.

Ayon sa impormante na hindi na nagpabanggit ng pangalan, ayaw umano ng Malacañang na mabalewala ang special session na ipinatawag ni Duterte kaya pinatigil ang dalawang kampo na magsalita at magbanatan.

“May gag order mula sa taas. Wala munang magpapalitan ng akusasyon. Wala munang magsumbatan, wala munang kikilos sa speakership,” ayon sa impormante.

Inilabas ang gag order matapos magpa-interview si Velasco sa isang telebisyon kung saan sinabi nito na dinenggoy diumano silang dalawa ni Duterte ni Cayetano na hindi na sinagot ng huli.

Ginawa ng impormante ang pahayag matapos tangkain ng Saksi Ngayon na kumuha ng latest development sa speakership war sa Kamara.

Magugunita na nitong mga nakaraang araw ay naging mainit ang palitan ng akuasyon ng kampo nina Velasco at Cayetano.

 

Atienza, pumitik pa rin

Gayunpaman, pumitik pa rin ang kaalyado ni Velasco na si Buhay party-list Rep. Lito Atienza nang sabihin nito na ang special session na ipinatawag ni Duterte ay pagtalikod umano kay Cayetano na tila lasing aniya sa kapangyarihan.

“Malacañang has repudiated the Speaker, who is clearly drunk with power, and has become a huge embarrassment and liability to the President,” ayon sa statement ni Atienza kahapon.

“Congressman Cayetano has betrayed the President. He has also double-crossed all the House members who elected him as Speaker in July last year based on the term-sharing agreement blessed by the President no less,” dagdag pa nito.

Hindi na ito sinagot ng mga kaalyado ni Cayetano dahil sa gag order na nagbabawal sa kanila na pag-usapan ang speakership sa panahon ng special session upang hindi mapurnada ang pambansang pondo.

 

Personal interest

“Huwag gamitin ang special session sa personal interest nyo.”

Mistulang ganito naman ang mensahe ng mga miyembro ng oposisyon sa mababang kapulungan ng Kongreso kina Velasco at Cayetano kaugnay ng special session na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte mula bukas hanggang Oktubre 16.

Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, ang special session ay ikalawang pagkakataon na ibinigay sa Kongreso para pagtibayin ang P4.506 national budget na mahalaga aniya para tugunan ang problema sa pandemya sa COVID-19.

“Though the abrupt termination of the budget deliberations took away several important days, this resumption should be maximized by the House. It should not be made as another venue or arena of the never ending war of dominance by the protagonists in the speakership battle,” ani House deputy minority leader na si Zarate.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil hindi nito isinasantabi ang posibilidad na may magsasamantala sa special session para isulong ang kanilang mga personal na interes at ambisyon.

Hinding-hindi aniya matatanggap ng taumbayan, sinoman sa kampo nina Velasco at Cayetano ang magsamantala sa special session dahil mangangahulugan ito ng tuluyang pagkadiskaril ng pambansang pondo.

Tiniyak naman ni House Appropriation committee chairman Eric Yap na maipapasa ang national budget at hindi magkakaroon ng reenacted budget sa apat na araw na special session kung saan sinertipikahan din ito ng Pangulo bilang urgent bill. (BERNARD TAGUINOD)

62

Related posts

Leave a Comment