(NI BERNARD TAGUINOD)
BAGAMA’T hindi direktang sarado ang kanilang pintuan sa Charter Change (Cha Cha), hindi umano prayoridad ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na amyendahan ang 1987 Constitution.
Sa press conference nitong Martes, sinabi ni House Majority leader Ferdinand Martin Romualdez, na hindi umano top priority ang Cha Cha dahil hindi pa umano nila nakakausap ang kanilang counterpart o ang mga senador.
“As I said, we have not touch based with our fellow stakeholders, our senators, so may be a priority but not a top priority at this point,” pahayag ni Romualdez kaya hindi pa ito matatalakay.
Magugunita na hindi kasama sa mga ipinakiusap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo ang pag-amyenda sa Saligang Batas.
Gayunpaman, inihatin ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang House Concurrent Resolution (HCR) No. 01 para pag-isahin ang Senado at Kamara sa ilalim ng Constituent Assembly (Con-Ass) upang amyendahan ng mga ito ang 1987 Constitution.
Subalit, ayon kay Romualdez, wala pa sa kanilang radar sa ngayon ang Cha Cha dahil uunahin ng mga ito ang mga priority bills na ipinakiusap ni Duterte sa kanyang SONA lalo na ang mga economic measures.
Pero hindi isinaisantabi ng mambabatas ang posibilidad na posibleng magkaroon ng buhay ang Cha Cha lalo na kapag nasimulan na itong talakayin sa dalawang Kapulungan.
“May sinasabi na Never say die. But, of course, This measure or this matter has to be initiated somehow. My personal opinion is until that matter is brought up, gains the proper support and the momentum, for the time being, it is not the top priority.For this time, I would never say it is dead,” ayon pa kay Romualdez.
151