CHA-CHA GALAWANG MANDARAYA – GABRIELA

“GALAWANG mandaraya ang pagraratsada ng Charter change na iskema ng administrasyong Marcos’.

Ganito inilarawan ng Gabriela party-list group na kinakatawan ni Rep. Arlene Brosas sa Kamara ang pagpapatibay ng mababang kapulungan ng Kongreso sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 sa ikalawang pagbasa noong Martes ng gabi.

“Hindi pa nasapatan ang Marcos sa samu’t saring pamamaraan ng pandaraya noong eleksyon, ngayon naman ay pilit niyang babaguhin ang konstitusyon para pumabor sa kanyang administrasyon at balak na term extension,” ayon sa grupo ni Brosas.

Sa pamamagitan ng viva voce voting, pinagtibay ang nasabing panukala na naglalayong magpatawag ng Constitutional Convention (ConCon) na siyang mag-aamyenda sa Saligang Batas.
Inaasahan na isasalang ito sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na linggo at ibibigay ito sa Senado para sa kanilang hiwalay na aksyon bago mailarga ang ConCon election na planong isabay sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election sa Oktubre 2023.

Itinuturing ito ng Gabriela na pandaraya dahil bukod sa inaasahang mapapalawig ang termino ng pangulo ay mas inuuna nito ang Cha-cha samantalang ang mamamayan ay umaaray na at hindi nakakasabay sa taas-presyo ng mga bilihin ang kanilang kinikita.

“Nasa panahon tayo ng krisis ni hindi pa lubusang nakaka-recover ang mamamayan sa pandemya, lugmok sa hirap ang taong bayan, halos hindi na makasabay sa taas-presyo ng mga bilihin, ito lang talaga ang pinagkakaabalahan ng administrasyong Marcos Jr., ang pagbabago ng konstitusyon?” ayon pa sa grupo.

Sinabi naman ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na sakaling isagawa ang eleksyon ng mga delegado ng ConCon sa Oktubre kasabay ng Barangay at SK Election, tiyak na walang mahahalal na kinatawan ng iba’t ibang sektor ng lipunan na magdedepensa sa kanilang karapatan.

Pabor na pabor lamang aniya ito sa malalaking partidong pulitikal na anomang oras ay pwede silang maglagay ng kandidato kaya interes ng mga politiko at dynasty ang mangingibabaw sa bubuing bagong Saligang Batas kapag nagkataon.

“Charter Change, even through Constitutional Convention, is a Pandora’s box which when opened would pave the way for provisions that stand against the general interest of the Filipino people,” dagdag pa ni Manuel.

Samantala, humingi ng karagdagang P3.827 billion ang Commission on Elections (Comelec) bilang paghahanda sakaling isabay ang pagboto ng ConCon delegates sa BSKE.

Sa pagdinig ng nasabing House committee on constitutional amendments na siyang nagtulak sa Cha-cha, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na malaking bahagi ng nasabing pondo ay para sa P2,000 honoraria ng bawat guro na magsisilbi sa ConCon at BSK election na gaganapin sa Oktubre 30, 2023.

Dahil mano-mano ang eleksyon, tiyak na mahabang oras ang gugugulin aniya ng mga guro sa pagbibilang ng mga boto kaya kailangang bigyan ang mga ito ng dagdag na honoraria.

Sa ngayon ay P2.7 Billion lamang ang inaprubahan ng Kongreso na budget ng Comelec para sa BSKE. (BERNARD TAGUINOD)

131

Related posts

Leave a Comment