CHA-CHA MAGAGAMIT SA 2025 ELECTIONS

(BERNARD TAGUINOD)

NANGANGAMBA ang isang mambabatas na magamit sa pamumulitika ang economic Charter change (Cha-cha) kapag isinabay ang plebisito sa 2025 midterm election.

Pahayag ito ni Lanao del Norte Rep. Zia Adiong matapos kumpirmahin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isabay ang plebisito ng aamyendahang probisyon sa 1987 Constitution.

Dahil dito, wala aniyang dahilan para madaliin ang pagpapatibay sa Resolution of Both Houses (RBH) No.6 ng Senado.

“If we want to pass that and then simultaneously duon sa holding of the election, this will open up to several political interpretations. And this might be use as a political campaign and masisira po yung pinaka intensyon ng administration,” ani Adiong.

Noong Lunes ay sinimulan ng Kamara ang pagdinig sa kanilang bersyon sa economic Cha-cha o RBH No.7 kung saan target ng Kapulungan na maipasa ito bago ang Holy Week break na magsisimula sa Marso 22, ngayong taon.

Nais ng Kongreso na maisagawa ang plebisito ngayong taon kaya ikinasa ang marathon hearing para umano hindi ito magamit ng oposisyon at administrasyon sa 2025 elections.

“Gusto natin na tapusin na po ang usapin ng economic provision sa constitution at hindi ho dapat maging subject to political contest. That is my fear kung doon ho natin isasabay sa 2025 come mid-term elections,” dagdag pa ni Adiong.

Samantala, nilinaw ni dating Supreme Court (SC) Chief Justice Reynato Puno sa Kamara na ang vote jointly na isa sa pinagtatalunan ng Senado at Kamara sa pag-amyenda sa Saligang Batas ay ubra lamang sa Unicameral system.

Tinutukoy ni Puno ang Article XVII, Section 1 (1) ukol sa pagboto ng Kongreso sa Charter Amendments na nagsasaad na “Congress, upon a vote three-fourth of all its members”.

Ayon sa dating punong mahistrado, dahil bicameral ang sistema ng lehislatura sa bansa, hindi ito puwedeng gamitin para igiit ang joint voting ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

“This is issue can be brought for interpretation by the Supreme Court,” payo ni Puno.

Kaugnay nito, muling iginiit ng grupong Gabriela sa Kamara na unahing ipasa ang dagdag na sahod sa halip ang Cha-cha.

“Kailangang bilisan ng Kongreso ang pag-apruba sa panukalang dagdag sahod ng mga manggagawa, lalo’t tumitindi ang krisis na dulot ng taas presyo ng mga pangunahin pangangailangan ng mamamayan sa bansa. Kaya, dapat dagdag sahod ang niraratsada hindi ang Charter change,” ani Clarice Palce, secretary general ng Gabriela.

Samantala, tiwala ang Comelec na kakayanin nitong pagsabayin ang 2025 midterm elections at ang plebisito para sa mga panukalang pag-amyenda sa Saligang Batas.

Tugon ito ni Comelec Chairman George Garcia sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon ng Charter change plebiscite na kasabay ng midterm elections.

“Kaya po namin na isabay ang plebisito sa May 2025 elections. Wala po dagdag sa gastos except that ihihingi po namin ng dagdag na allowance ang mga guro,” sinabi ni Garcia sa media sa Viber.

Sinabi ni Garcia, nag-design na rin ang Comelec ng sample ng balota na mayroong plebiscite questions. Kaya rin aniya ng mga makina kung may yes o no question sa balota.

Nauna nang sinabi ni Garcia na ang Comelec ay maaari lamang magsagawa ng Charter change plebiscite sa unang bahagi ng 2026.

Sinabi naman ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, ang simultaneous midterm elections at Cha-cha plebiscite ay hindi makakaapekto sa kanilang pag-award ng kontrata para sa vote counting machines para sa 2025 midterm elections sa joint venture ng South Korean firm Miru Systems.

(May dagdag na ulat si JOCELYN DOMENDEN)

99

Related posts

Leave a Comment