CHA-CHA PINATITIKLOP NA SA KAMARA

PANAHON na para itiklop ng mababang kapulungan ng Kongreso ang pag-amyenda sa 1987 Constitution matapos itong tablahin ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Cha-cha is out of tune now,” deklara ni Albay Rep. Edcel Lagman kaya sa halip na buhusan ng panahon at pera ng bayan ang Cha-cha ay gamitin na lamang aniya ito sa pagresolba sa lumalalang kalagayan ng Pinoy.

Tinukoy ni Lagman na masyadong mataas ang inflation rate, walang seguridad sa pagkain at patuloy na dumarami ang naghihirap na pamilya na nangangailangan aniya ng atensyon ng Kongreso.

Magugunita na sinabi ni Marcos na hindi prayoridad ng kanyang administrasyon ang Cha-cha na naglalayong amyendahan ang economic provisions dahil sa paniniwalang maraming dayuhang negosyante ang gustong mamuhunan sa bansa.

“I hope President Marcos will remain steadfast in his position that amending the 1987 Constitution is not in the administration’s priority agenda,” ani Lagman.

Sinabi naman ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na walang katotohanan ang sinasabi ng mga nagsusulong ng Cha-cha na nagkakaisa ang taumbayan na amyendahan ang Saligang Batas.

“Kapag sinabing consensus, lahat ay sumasang-ayon. Pero nakailang committee hearing na po kami sa Lower House patungkol sa Charter change. Laging may hati sa opinyon ng mamamayan as to whether or not we should pursue constitutional revisions or amendments,” ayon sa mambabatas.

Maging ang mga economic expert at mga propesor ay hati na tanggalin ang ‘protectionist economic provisions” ng saligang batas kaya hindi aniya totoong may consensus sa sambayanang Pilipino na amyendahan ang konstitusyon.

Kahit ang dalawang kapulungan ng Kongreso aniya ay hindi nagkakaisa matapos sabihin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi kasama ang Cha-cha sa kanilang priority measures.

“We do not believe claims of consensus. All of our experiences point to the opposite being true. Walang consensus sa House, walang consensus among experts, at lalong wala sa hanay ng mamamayan. Kung mayroong pagkakaisa ang taumbayan, iyon ay pagkakaisa para tugunan ang mataas na presyo ng bilihin at kawalan ng trabaho,” ayon pa kay Manuel. (BERNARD TAGUINOD)

93

Related posts

Leave a Comment