CHILD LABOR POSIBLENG LUMALA SA LOCKDOWN

NANGANGAMBA ang isang senador na lumala ang kaso ng child labor sa panahong pinaiiral ang lockdown dulot ng COVID-19.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, dapat paigtingin ng National Council Against Child Labor (NCLC) ang pagsugpo sa child labor ngayong milyon-milyong kabataan at kanilang pamilya ang nanganganib na lumubog sa kahirapan sanhi ng pandemya.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na ibinabala niya ito base sa pahayag ng United Nation’s Children’s Fund o UNICEF at ang International Labour Organization (ILO) na baka muling umakyat ang bilang ng mga kabataang biktima ng child labor.

“Bumaba sa siyamnapu’t apat (94) na milyon ang bilang ng mga kabataang dumaranas ng child labor nitong nakaraang dalawang dekada ngunit ayon sa dalawang ahensya, nanganganib na muling umakyat ang bilang na ito,” ayon kay Gatchalian.

Ayon kay Gatchalian, dapat tiyakin ng NCLC ang mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act No. 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.” Inamyendahan ang batas na ito ng Republic Act No. 9231 upang lalong mapigilan ang mga tinuturing na worst forms of child labor at paigtingin ang proteksyon ng mga kabataan.

Sabi pa ni Gatchalian, isang suliranin na sa bansa ang child labor bago pa nagkaroon ng COVID-19. Ayon sa 2018 Findings on the Worst Forms of Child Labor ng United States Department of Labor, mahigit tatlong milyong (3.2) kabataan ang dumaranas ng child labor at karamihan (3 milyon) sa mga ito ang nagtatrabaho sa gitna ng mga mapanganib na kalagayan.

Nagbabala rin si Gatchalian na dahil mahigit pitong (7.3) milyong mga Pilipino ang nawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya sa COVID-19, maraming mga kabataan ang nanganganib na huminto sa pag-aaral at mapilitang maghanapbuhay. ESTONG REYES

75

Related posts

Leave a Comment