CHINA TEL BANTA SA PRIVACY NG PH SUBSCRIBERS Papel ng Tsina sa 3rd telco pinapalagan ng solons

telco

LUMOBO pa ang pangamba na magdudulot ng panganib hindi lang sa seguridad ng Pilipinas ang partisipasyon ng China Telecom sa tinawag na Third Telco na ang prangkisa ay naipagkaloob na ng Kongreso sa Dito Telecommunity consortium.

Sa Kamara ay nadagdagan ang boses ng pagsalungat sa papel ng China Telecom nang sabihin ni Deputy Minority Leader Isagani Zarate na may mga bagong isyung
kinasangkutan ang state-owned telecom ng Tsina na kung mapatunayan ay lubhang mapanganib hindi lang sa seguridad ng bansa kundi maging sa privacy ng bawat internet subscribers.

Ipinaliwanag ng mambabatas na isang mapagkatiwalaang watchdog sa industriya ng telekomunikasyon ang naglahad ng ulat na umano’y may namumuong ‘malware’ o isang uri ng virus na gawang Tsina na pwedeng i-hack o dumukot ng SMS data mula sa mga texters.

Binanggit ni Rep. Zarate ang FireEye Mendiant na siyang telecom watchdog na sumusubaybay sa malware na tinawag na “MessageTap” na pinagdudahang magagamit ng Tsina para i-monitor at
i-save ang mga madudukot nilang messages mula sa pribado man o taga-gobyernong subscribers ng ibang cellular nerworks.

Dagdag pa ng deputy minority leader: “Worse China has been charged by many countries of espionage using its telecom companies, aside from the very fact that its information technology experts are now running the energy grid of our country.”

“Nangyayari ang pagpapaubaya natin sa kontrol ng teknolohiya ng Tsina sa ating energy grid at telecom infrastructure habang umiigting naman ang isyu ng kanilang pananakop sa ating mga karagatan at baybayin,” dagdag pa ng kongresista.

Isa pang miyembro ng Kamara ang nagpahayag na dapat repasuhin at irekonsidera ng Kongreso ang papel ng China Telecom sa loob ng third telco at sa national grid ng bansa dahil nga sa isyu
ng national security.

“Maging ang posisyon natin sa pagbawi sa mga islang kinubkob ng Tsina ay humihina dahil sa mga kompromisong pinasok ng ating gobyerno sa kanilang mga mamumuhunan,” pahayag ni Rep. France Castro.

Nauna rito ay nagpahayag na rin ng pangamba si Sen. Grace Poe, chair ng Senate public service committee, sa pagkontrol ng China Telecom sa ating internet traffic na posible umanong gamitin ng kanilang gobyerno laban sa interes ng ating bansa at sa mamamayang Filipino.

Maging si Sen. Francis Pangilinan ay may nauna nang babala na posible ring gamitin ng nasabing state-owned China Tel ang kanilang mando na mangalap ng mga impormasyon para sa kanilang gobyerno alinsunod sa kanilang batas na National Intelligence Law of 2017.

75

Related posts

Leave a Comment