(NI BERNARD TAGUINOD)
LABIS na ikinakabahala ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagdagsa hindi lamang ng mga Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) kundi ng mga prostitute mula sa China.
Ayon kay House committee on games and amusement chairman Eric Yap ng ACT-CIS party-list, mistulang naging hot spot na rin hindi lamang ng POGO ang Pilipinas kundi ng mga Chinese prostitute.
“Hindi na lang yata tayo conducive sa mga foreign POGO workers, mukhang nagmimistulang hot spot na rin yata tayo sa prostitusyon,” ani Yap matapos muling makahuli ng mga Chinese prostitute at mga parokyano nilang mga POGO worker sa Makati City nitong Lunes.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nakahuli ng dayuhang prostitutes ang Makati Police sa mga establisyemento sa lungsod kung saan ang mga parokyano ng mga ito ay POGO workers.
“Kinokondena natin ang anumang uri ng prostitusyon ngunit mas nakakabahala na marami na ding naglulutangan na mga foreign prostitution establishments sa bansa,” ayon sa mambabatas.
Dismayado ang mambabatas dahil bagama’t may mga batas ang Pilipinas laban sa mga prostitusyon tulad ng Republic Act (RA) 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Person o 2012, ay tila binabalewala ito.
Dahil dito, nananawagan si Yap sa Bureau of Immigration, National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at mga lokal na pamahalaan na mas higpitan ang pagbabantay laban sa mga ganitong uri ng krimen.
373