PANAHON na para rebisahin kung paano ginagamit ng mga ahensya ng gobyerno ang kanilang Confidential and Intelligence Funds (CIFs) dahil inaabuso na umano ito.
Kasabay nito, pina-subpoena na ng House committee on good government and public accountability na pinamumunuan ni Manila Rep. Joel Chua ang anim na tauhan ni Vice President Sara Duterte matapos hindi dumalo sa pagdinig ng komite sa CIF ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Kabilang sa pina-subpoena sina Atty. Zuleika T. Lopez – Chief of Staff ni Duterte; Atty. Lemuel G. Ortonio – Assistant Chief of Staff and Chairperson of the Bids and Awards; Atty. Rosalynne L. Sanchez – Director for Administrative and Financial Services; Gina F. Acosta – Special Disbursing Officer; Julieta Villadelrey – Chief Accountant at Edward D. Fajarda – Special Disbursing Officer ng DepEd noong ang Pangalawang Pangulo ang namumuno pa sa nasabing ahensya.
“Kinakailangan siguro Mr. Chair eh, i-revisit na natin itong batas tungkol sa confidential funds, we have to review and amend kasi nakikita ko naabuso eh,” ani Manila Rep. Bienvenido Abante Jr.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos aminin ni Atty. Gloria Camora na hindi nila pinuntahan at sinuri ang mga safehouse na ginastusan umano ni Duterte ng P16 million sa loob ng 11 araw noong Disyembre 2022.
Base sa nasabing pagdinig, nagrenta umano ang OVP ng safehouse na nagkakahalaga ng P45,000; P90,000 kada araw subalit walang ideya ang COA kung saan lugar ang mga safehouse na ito at sino ang mga gumamit.
Sa paliwanag ni Camora, walang nakasaad sa Joint Circular No.2015-01 ng COA, Department of Budget and Management (DBM), Department of Interior and Local Government (DILF),
Department of National Defense (DND) at Government Commission for GOCC, na kailangang iberipika kung saan at papaano ginagamit ang CIF.
Dahil dito, walang ideya umano ang COA kung nasaan ang mga safehouse na nirentahan ng OVP ng P16 million sa loob ng 11 araw noong 2022.
Sa pagtatanong naman ni Antipolo Rep. Romeo Acop, sinabi ni Camora na 34 katao ang tumanggap ng 34 acknowledgment receipt na patunay na binayaran sila ng OVP sa mga nirentahang safehouses.
Maging ang P40 million na bahagi ng P125 million confidential fund ni Duterte noong 2022 na ginastos umano ng OVP para sa gamot at pagkain sa loob ng 11 araw ay hindi rin naberipika ng COA dahil sa umiiral na joint circular.
“Nagkaroon ba ng peste kaya ganyan kalaki ang gastos sa gamot?,” tanong ni Chua subalit sinabi ni Camora na sumusunod lamang ang mga ito sa nasabing joint circular na hindi na
beberipikahin kung paano ginagamit ang CIF. (BERNARD TAGUINOD)
50