(NI HARVEY PEREZ)
DUMAGSA sa tanggapan ng Commission on Election (Comelec) ang mga kandidato para maghain ng kanilang Statement of Contribution and Expenditures (SOCE) .
Nabatid na kahapon ang itinakdang deadline ng Comelec para sa paghahainin ng SOCE sa lahat ng mga kandidato na tumakbo sa nakalipas na mid-term elections noong Mayo 13.
Nabatid na dakong alas 12:10 ng tanghali ay nasa 18 senatorial candidates, 50 partylists, at tatlong political parties na ang nakapagsumite ng SOCE hanggang 12:10 ng tanghali ng Huwebes.
Nakasama sa mga maagang nakapagsumite ng kanilang SOCE sina reelected Senators Nancy Binay at Cynthia Villar, na naghain ng dokumento noong Hunyo 11, gayundin sina Senators-elect Pia Cayetano, na nagsumite naman noong Hunyo 12, at dating Special Assistant to the President (SAP) Secretary Christopher “Bong” Go, na sa mismong araw na ng deadline na Hunyo 13, naghain ng SOCE.
Ayon sa Comelec nanalo man o natalo ang kandidato ay kinakailangan silang maghain ng SOCE, alinsunod sa itinatakda ng batas.
Nabatid na noong Hunyo 12 sana ang deadline sa paghahain ng SOCE pero dahil natapat ito sa regular holiday, ay pinalawig ito ng poll body hanggang nitong Hunyo 13.
Nagbabala ang Comelec na ang mga mahuhuli sa paghahain ng SOCE na mahaharap sa penalty ng mula P6,000 hanggang P10,000 depende sa posisyong kanilang tinakbuhan.
Habang pinapayagan naman ng batas na makapaghain ng naturang dokumento ang mga nanalong kandidato sa loob ng anim na buwan, matapos silang maiproklama ngunit habang hindi nila naipapasa ang kanilang SOCE ay hindi sila papayagang makaupo sa pwesto.
Magugunita na ang mga nanalong local candidates ay kaagad na naiproklama sa pwesto matapos ang eleksyon, habang Mayo 22 naman nang maisagawa ng Comelec, na tumayong National Board of Canvassers (NBOC), ang proklamasyon sa mga nanalo sa senatorial at party-list race.
153