COMELEC KINUWESTYON SA SIKRETONG PAGPAPADALA NG MGA BALOTA

KINUWESTYON ni Senadora Imee Marcos ang Commission on Elections (Comelec) sa pagbabawal nito sa mga ‘accredited observer’ sa paglilista ng destinasyon at iba pang detalye ng mga balotang ihahatid sa buong bansa.

Sinabi ng chairman ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation na nakatanggap sila ng impormasyon na hindi pinayagan ng mga sekyu ng National Printing Office (NPO) na makapasok ang ilang observer sa ahensya.

Ito’y kasunod ng komprontasyon sa pagitan ng mga observer at ng isang guwardya ng NPO na nagsabing posibleng ikatanggal niya sa trabaho ang ginagawang paglilista ng grupo sa mga detalye ng pagdedeliber ng mga balota.

“Bakit kailangang isikreto ang mga impormasyon sa paghahatid ng mga balota? May tinatangka bang kalokohang gagawin sa eleksyon?” tanong ni Marcos.

Matatandaang noong nakaraang buwan nagsimulang payagan ang malayang pag-inspeksyon sa paggawa ng mga balota at SD Card kung kailan patapos na ito.

Nadiskubre ng komite ni Marcos na binabawalan ang mga ‘observer’ na makapasok sa NPO compound sa Quezon City at sa technical hub ng Comelec sa Santa Rosa, Laguna.

Binigyang-diin din ni Marcos, mismong Comelec na ang gumagawa ng dahilan para mabigo ito sa eleksyon kung tuluyan nitong ililimita ang paggamit ng ‘digital signature’ sa Metro Manila, Cebu, at Davao lamang dahil sa hindi umano makabili ng tamang kable para sa mga vote counting machine.

“Pandemya at problema sa pagbili ang palusot ng Comelec para maisantabi ang inspeksyon at pagtsi-check sa seguridad na itinatakda ng batas. Wala naman inilalatag na nakakakumbinsing remedyo para mahimok na magtiwala ang publiko,” giit ni Marcos.

“Halos isang buwan na lang ang natitira bago mag-Mayo 9, pero nalalagay sa pagdududa ang integridad ng eleksyon dahil sa mga pagkukulang ng Comelec,” dagdag pa ng senador. (DANG SAMSON-GARCIA)

102

Related posts

Leave a Comment