COMELEC: TAGA-MONTALBAN SI CONG. FIDEL NOGRALES

0

IBINASURA ng Commission on Elections (Comelec) ang paratang na hindi taga-Montalban si Congressman Fidel Nograles ng Ikalawang Distrito ng Rizal.

Sa isang Resolusyon na inilabas kamakailan, sinabi ng Comelec na hindi sapat ang pagbibintang na si Congressman Nograles ay hindi taga-San Isidro sa nasabing bayan.

Idiniin ng Comelec na ang ganitong kaso ay dapat suportado ng karampatang ebidensya.

Nabanggit sa Resolusyon ng Comelec na walang lakas sa hukuman ang hubad na paratang na si Congressman Nograles ay hindi diumano taga-San Isidro, sa kabila ng pagiging aktibo niya sa mga sari-saring sosyo-politikal na gawain sa lokalidad.

Dagdag pa ng Comelec, nakapagsumite si Congressman Nograles ng tamang ebidensya para patunayan ang pagiging taga-San Isidro niya magmula pa noong 2017.

Maaalala na nahigitan ni Congressman Nograles ng 74,000 boto ang pinakamahigpit niyang kalaban noong huling halalan.

Sa paglilingkod niya bilang Congressman, nakagawa ng maraming proyektong pambayan si Nograles. Kasama na rito ang sisimulang Northern Tagalog Regional Hospital, ang magiging pinakamalaking ospital sa Calabarzon na may 200-bed capacity. Tinatayang malaking tulong sa mamamayan ang ospital, lalo na sa mga taga-Montalban na hindi na kinakailangang bumiyahe nang malayo para makakuha ng lunas sa problemang pangkalusugan.

Isa rin sa mga tinataguyod na proyekto ng batang kongresista ang Montalban-Bulacan Expressway na siyang magpapaunlad sa negosyo sa Montalban. Sa pamamagitan ng highway na ito, mapadadali ang daloy ng mga produkto mula Montalban, papunta sa Baguio, at pabalik.

Lubos na ikinagalak ni Congressman Nograles ang nasabing resolusyon ng Comelec dahil ito ang kanyang panghahawakan laban sa batikos na siya ay hindi taga-Montalban. “Umaasa ako na tuloy-tuloy na ang aking mga proyekto na alay ko sa mga taga-Montalban. Lalo na ngayong pandemya, kailangang tayo ay magkaisa upang sama-sama nating masugpo ang Covid, at maibangon natin sa kahirapan ang ating kababayan sa Montalban.”

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment