(NI NOEL ABUEL)
KINALAMPAG ng isang senador ang Department of Transportation (DOTr) na pag-aralang mabuti ang planong paglilipat ng mga commercial flights sa Sangley Airport sa Cavite.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, nauunawaan nito ang agam-agam ng Philippine Airlines at AirAsia na dahil sa kawalan ng sapat na pag-aaral ay malaki ang magiging epekto nito sa mga domestic at international air passengers.
“Kailangan muna ng masusing pag-aaral bago gumawa ng malawakang paglipat dahil baka mahirapan ang ating mga pasahero, lalo na ‘yong mga may hinahabol na transfer flights sa ibang terminals ng NAIA,” sabi ni Gatchalian.
Kaugnay nito, pinuri ng senador si Transportation Secretary Arthur Tugade sa utos nitong madaliin ang isinasagawang konstruksyon ng Sangley airport na matagal nang nasa plano para sa pagsasaayos ng mga paliparan sa buong bansa.
“Upon completion of the airport, general aviation should be transferred there as soon as possible — all private planes and helicopters should operate in Sangley to help decongest the Ninoy Aquino International Airport,” ani Gatchalian.
Magugunitang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na dalhin ang operasyon sa Sangley airport upang mabawasan ang bigat at trapiko sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
152