‘COMMON CANDIDATE’ SA SPEAKERSHIP HILING SA KAMARA

congress123

(NI ABBY MENDOZA)

DALAWANG buwan pa bago ang botohan sa kung sino ang magiging bagong House Speaker sa 18th Congress, inirerekomenda na ni Albay Rep. Edcel Lagman na magkaroon na ng ‘common candidate’ para sa Speakership ang nasa majority sa House of Representatives.

Katwiran ni Lagman, sina Taguig Rep. Alan Peter Cayetano, Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ay maituturing na mga President’s men, dapat umano na mamili na ng isa sa tatlong kongresista na kanilang ino-nominate bilang susunod na Speaker.

Nababahala si Lagman na kung walang common candidate ang mayorya ay mauulit na naman ang nangyari sa 17th Congress kung saan ang naging Minority Leader ay nasa bakuran din ng Majority bloc.

Matatandaan na sa 17th Congress nang mapuwesto si dating House speaker Pataleon Alvarez ay si Quezon Rep. Danilo Suarez ang naging Minority Leader na kaalyado din kaya walang naging tunay na boses umano ang minorya sa Kamara.

Umaasa si Lagman na sa 18th Congress ay hindi na mawawalan ng puwesto ang lehitimong oposisyon at mangyayari ito kung mayroong common candidate.

Sinabi ni Lagman na magdesisyon na sana agad ang administrasyon ng ‘common candidate’ para sa speaker upang makapili na rin sila sa oposisyon ng kanilang nais na kandidato.

Naging tradisyon sa Mababang Kapulungan na sakali mang matalo sa speakership ang manok ng oposisyon, otomatikong ito ang magiging lider ng Minority Group sa Kamara.

274

Related posts

Leave a Comment