(BERNARD TAGUINOD)
TULUYAN nang nagkalamat ang UniTean nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte na nag-ugat umano sa pagtanggal ng Kamara sa confidential funds ng huli.
Ito ang tingin ni House deputy minority leader France Castro matapos sibakin ni House Speaker Martin Romualdez bilang deputy speaker ang dalawang kaalyado ng mga Duterte na sina Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo at Davao City Rep. Isidro Ungab.
“Tingin natin yung uniteam ay meron nang lamat dahil sa position sa iba’t ibang isyu lalo na itong confidential funds,” ani Castro.
Magugunita na nagdesisyon ang liderato ng Kamara na sinuportahan ng iba’t ibang political party sa kapulungan ang paglipat sa P1.23 billion confidential funds sa Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang security agencies upang magamit sa pagbabantay at pagdepensa sa West Philippine Sea (WPS).
Kabilang sa halagang ito ang P500 million ng Office of the Vice President (OVP) at P150 Million sa Department of Education (DeEd) kung saan Secretary si Duterte.
Naging ugat din ang nasabing pondo para banatan ng ama ni Duterte na si dating Pangulong Rodrigo Duterte si Romualdez at maging ang buong Kapulungan na umano’y bulok bagay na pinalagan ng mga mambabatas.
Walang opinyon si Castro kung magtutuloy-tuloy ang paghihiwalay ng mga Marcos at Duterte hanggang sa 2028 presidential election.
Subalit, ayon sa isang mambabatas mula sa majority bloc na hindi na nagpabanggit ng pangalan, malabo na umanong maibalik ang tiwala ng dalawang grupong bumuo sa UniTeam na ginamit nina Marcos at Duterte bilang behikulo noong 2022 presidential election.
“Wala nang tiwala ang mga yan sa isa’t isa. Nagsimula na ang away-away nila eh. Nagbabanatan pa,” ayon sa kongresista na ayaw pangalanan kapalit ng opinyon niyang ito.
Samantala, hindi rin pinansin ng mga kongresista ang pahayag ng kapatid ni Marcos na si Sen. Imee Marcos na hindi niya iiwanan ang mag-amang Duterte lalo na ang dating Pangulo dahil ito lamang ang pumayag mailibing ang kanilang amang si yumaong diktador Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani.
448