(NI ABBY MENDOZA)
DEADLOCK pa rin ang dalawang kapulungan ng Kongreso kaugnay sa 2019 proposed national budget.
Matapos ipagmalaki ng Senado na pumayag na ang House of Representatives na bawiin nito ang naisumute nilang bersyon ng budget ay pinabulaanan naman ito ngayon ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Nanindigan si Arroyo na hindi nila binawi ang kanilang bersyon bagkus ay pinag-uusapan nila ang gagawing pagbabago.
Matatandaan na una nang kinumpirma ni San Juan City Rep Ronnie Zamora na nagkausap na sila ni Senador Panfilo Lacson tungkol sa pagbawi ng Mababang Kapulungan sa kopya ng bersyon ngunit sa panayam ng mga mamahayag kay Arroyo nilinaw nito na tinatalakay nila ang bagong bersyon ng pambansang pondo.
Ani Arroyo ngayong araw ay makikipagpulong siya sa mga miyembro ng Kamara kabilang na si San Juan Rep. Ronaldo Zamora na syang itinalagang negotiator sa Senado upang pag usapan ang budget.
Kung ano umano ang lalamanin ng bagong bersyon ng Kamara ay ito pa ang kanilang pag- uusapan.
Muli namang nanindigan si Arroyo na igigiit nila ang ‘no lump sum’ sa 2019 budget, aniya, walang mali sa kanilang pag-itemize sa budget at ang labag sa batas ay ang pagkakaroon ng lump sum o bultuhang budget na hindi nakalagay kung saan ito eksaktong nakalagay.
Nanindigan ang Kamara na kung hindi magkakasundo ay walang budget na makakarating sa Office of the President para malagdaan bilang batas.
233