BUKAS si Senate Health Committee Chairman Bong Go na imbestigahan ang isyu ng mga naaksayang mahigit 31.3 million doses ng COVID 19 vaccines na umaabot sa P15.6 bilyon ang halaga.
Bagama’t nagbigay na ng inisyal na mga dahilan ang DOH, sinabi ni Go na karapatan ng publiko na mabusisi at matukoy ang tunay na mga pangyayari sa pagkakaaksaya ng mga bakuna sa gitna ng pangangailangan na malunasan ang problema sa virus.
Binigyang-diin ni Go na hindi birong halaga ang P15.6 bilyon lalo pa’t nasa krisis pa ang bansa dulot ng COVID 19 kaya’t muli siyang sa publiko na magpabakuna para sa ibayong proteksyon laban sa virus.
Iginiit ng senador na sa ngayon hindi pa niya masabi kung may pananagutan ang Department of Health sa sobra-sobrang bakuna subalit umapela na hindi dapat sisihin ang gobyerno sa procurement ng maraming bakuna.
Sa datos, sinabi ni Go na sa booster shots, 26 percent pa lamang ng mga qualified Pinoy ang nabigyan na ng 1st booster shot habang 4 percent lamang ang 2nd booster shot.
Kasabay nito, bukas din si Go sa ideya na ipatawag ng Commission on Audit ang mga dating opisyal ng Duterte administration na nanguna sa procurement ng COVID 19 vaccines.
May kinalaman ito sa pagsasapubliko ng nilalaman ng Non Disclosure Agreement ng gobyerno at mga vaccine manufacturer at upang matukoy ang eksaktong halaga ng mga bakuna.
Sinabi ni Go na may kapangyarihan ang COA na ipatawag ang mga lumagda sa NDA tulad nina dating Secretaries Carlito Galvez at Carlos Dominguez.
Inamin naman ng senador na kahit siya ay aktibo noon sa bawat pulong ng Inter-Agency Task Force ay hindi niya nakita o nabasa ang nilalaman ng NDA at maging si dating Pangulong Rodrigo Duterte anya ay hindi nakialam sa NDA. (DANG SAMSON-GARCIA)
252