COVID CASES SA PINAS, 2,633; 51 NAKAREKOBER

NADAGDAGAN pa ng mahigit 300 ang kaso ng coronavirus disease o COVID-19 sa bansa.

Iniulat ni Health Secretary Francisco Duque III na 322 ang panibagong kaso ng COVID-19 ngayong araw.

Dahil dito, pumalo na sa 2,633 ang bilang ng mga tinamaan ng sakit. May isang pasyente naman ang gumaling dahilan para umabot ang total recoveries sa Pilipinas sa 51. Labing isa naman ang nadagdag sa mga nasawi kaya umakyat na sa 107 ang bilang nito ngayon.

Kaugnay nito, ikinatuwa ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang ulat na tatlong residente ng lungsod na nagpositibo sa COVID-19 ang gumaling na makaraang gamutin sa Manila Infectious Disease Center (MIDC) sa Sta. Ana Hospital.

Nalungkot naman ang alkalde na may isang doktor ang naninirahan at naglilingkod sa Manila ang binawian ng buhay dahil sa nasabing sakit.

Ang magkahalong maganda at malungkot na balita ay sinabi ni Mayor Isko Moreno kasabay na rin ng pag-uulat nito na mayroon na namang limang nadagdag sa listahan ng mga nagpositibo kaya umakyat na sa 75 ang bilang ng mga ito habang 31 ang nadagdag sa listahan ng persons under investigation para sa kabuuang  bilang na   271.

Kasunod nito, inatasan ng alkalde si director Dra. Grace Padilla ng Sta. Ana Hospital na ihanda ang pagamutan para sa mas marami pang pasyente ng COVID-19.

Nabatid na 33 kuwarto sa 9th floor ng ospital ang gagamitin dahil puno na ang 10th floor na itinalaga bilang MIDC. D. ANIN, RENE CRISOSTOMO

130

Related posts

Leave a Comment