COVID SURGE, MALABO NA SA NCR – OCTA

covid

TALIWAS sa pangamba ng Department of Health (DOH), posibleng hindi umabot sa sukdulan ang sitwasyon sa Metro Manila bunsod ng pagbaba ng COVID-19 growth rate sa nasabing rehiyon.

Gayunpaman, hindi dapat maging kampante ang pamahalaan, ayon kay Prof. Guido David, kasabay ng pagtukoy sa ilang lalawigang patuloy pa rin ang pagtaas ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Bukod sa Metro Manila, nakikitaan rin aniya nila ng pagbaba ng bilang ng mga positibo ang lalawigan ng Iloilo.

“Ang isang napansin natin ay bumaba ang growth rate sa Metro Manila. Actually pati rin sa Iloilo, bumababa yung growth rate,” sambit ni Guido sa isang panayam sa radyo.

“Yung nakikita namin na baka nag-peak na sa Metro Manila, hopefully tuloy-tuloy na yan pero sa Metro Manila and sa Iloilo and maybe a few other provinces pa lang yun. Kasi sa iba pang regions ay tumataas pa lang ang bilang ng kaso, hindi pa, wala pa sa peak,” dagdag pa niya.

Panawagan ni David sa publiko, ibayong ingat pa rin, kasabay ng apela para sa patuloy na pagsunod sa mga itinakdang minimum public health safety protocols at pagpapa bakuna laban sa nakamamatay na karamdaman.

Sa datos ng DOH, pumalo sa 4.533 ang naitalang bagong kaso sa buong bansa, habang 27 naman ang pumanaw.

“Isa nating napansin dati, 0 deaths tayo, ngayon nasa 20s na yung death natin so, you know COVID is still here,” babala pa ni David.

“Hindi tayo alarmed, hindi tayo nagtataas ng alert level, but we must still be aware kasi, yun nga may mga pumapanaw pa rin. Meron pa rin nagiging severe at critical cases kaya may mga namamatay,” aniya pa.

Nang tanungin sa posibilidad ng muling paglobo ng mga kaso ng COVID-19 sa pagbubukas ng klase sa Agosto 22 – “Hindi naman natin maiiwasan magkaroon ng mga outbreak, hindi naman siguro surge, pero may mga magkakaroon ng mga outbreak sa school kung may mga magkakahawaan.”

“It will be expected at karamihan naman ng mga bata pag nahawaan ay mild or asymptomatic lang naman kasi malalakas naman ang katawan nila. We have to make sure, siyempre, yung concerned institutions, na handa na.”

Related posts

Leave a Comment