CRIMES AGAINST HUMANITY

0

Itinuturing naman ni dating Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao na isang uri ng “crime against humanity”ang umano’y “state terror attack” sa mga militanteng grupo sa Southern Tagalog.

“This is particularly mass killing or murder and extermination based on political ideology, which is categorized as crimes against humanity in Article 7 of the Rome Statute,” ani Casilao.

Dahil dito, umapela ang dating mambabatas sa international community partikular sa International Criminal Court (ICC) na makialam na dahil habang tumatagal ay lumalala umano ang state terror attack.

 

“BLOODY
SLAUGHTER”

Ganito naman inilarawan ng NAGKAISA Labor Coalition ang halos magkakasabay na pagpatay sa mga lider-manggagawa at aktibista ilang oras makaraang iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sundalo at pulis ang “kill the armed communist right away” patungkol sa mga gerilya ng New People’s Army (NPA).

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) General Debold Sinas ang pagkamatay ng siyam at pagkakaaresto ng anim na umano’y “nanlaban” habang inaaresto sa bisa ng warrant of arrest.

Ayon sa hepe ng PNP, 24 lahat ang arrest warrant na inisyu ng judge sa Manila-Regional Trial Court (Manila-RTC).
Tiniyak din ni Sinas na lehitimo ang mga operasyong naganap.

“NAGKAISA! Labor Coalition calls on the Filipino people to speak and denounce the bloody slaughter, arrests and red-tagging of trade unionists and members of people’s organizations,” bahagi ng panawagan ng tagapangulo nila na si Atty. Jose Sonny Matula.

Idiniin ni Matula na: “Any extra-judicial killing (EJK) diminishes us all, it kills part of our humanity”.

Binira ni Matula ang pagpaslang kay Emmanuel Asuncion dahil ito ay “highly condemnable and the serving of search warrant questionable if not incredible”.

Ilang linggo ang nakalipas, kinitil ang lider-manggagawang si Leonardo Escala sa pier sa Tondo, Maynila.

 

NAKAAALARMA

Ikinababahala rin ng grupong Human Rights Watch ang ikinasang operations na mistulang coordinated plan umano ng government forces para salakayin, arestuhin at kung kinakailangan ay patayin ang mga pinaghihinalaang militante o mga aktibista.

Sa pahayag ni HRW deputy Asia director Phil Robertson, “Based on these reports, these raids appear to be part of a coordinated plan by the authorities to raid, arrest, and even kill activists in their homes and offices,” ani Robertson.

Kaugnay nito, nanawagan si Robertson na magkaroon ng isang makatotohanang imbestigasyon sa mga pagsalakay na ito na nasa ilalim ng jurisdiction ni AFP Southern Luzon Command, Lieutenant General Antonio Parlade Jr.

 

“BIG SCORE”

Kaugnay nito, tinawag ng PNP na “big score” laban sa mga miyembro ng Communist Terrorist Groups (CTGs) sa Sourthern Tagalog ang pagkamatay ng siyam na mga aktibista sa “simultaneous operation” noong Linggo.

Kinumpirma rin ng PNP-Calabarzon, ang magkakasabay na operasyon at paghahain ng search warrant laban sa makakaliwang grupo na isinagawa sa Cavite, Laguna, Batangas at Rizal ay bilang pagtalima sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa pangmatagalang kapayapaan sa buong bansa at sa pananatili ng kaunlaran sa ilalim ng Executive Order No. 70.

Ang sabayang operasyon na pinangunahan ng PRO 4A Calabarzon kasama ang operating units ng CIDG Regional Field Unit 4A, CIDG National Capital Region, Special Action Force at ng kanilang Air Unit sa pakikipag-ugnayan na rin sa 202nd Brigade, 2ID Philippine Army ay nagresulta sa pagkamatay nina Emmanuel Asuncion ng grupong BAYAN, mag-asawang Ariel at Ana Mariz Lemita-Evangelista, Melvin De Guzman Dagsinao at Calec Buds Bacasno na napatay sa Kasiglahan Village, Brgy. San Jose Rodriguez, Rizal habang sa Sitio Macaingalan, Brgy. Puray, sa nasabi ring bayan napatay sina Abner Damas Esto at Edward Damas Esto. Sa Sitio Mina, Sta. Inez, Tanay, Rizal naman napatay sina Puroy Dela Cruz at Randy Dela Cruz.

Ayon pa sa report ng Calabarzon police, ang mga napatay ay pawang nanlaban habang sinisilbihan ng search warrant para sa mga kasong Violation of R.A 10591 o Comprehensive Firearms And Ammunition Regulation Act at RA 9516 o Illegal possession of explosives.

Nakuha rin umano sa mga napatay ang iba’t ibang uri ng armas at mga pampasabog.

Siyam naman ang sinasabing nakatakas at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.

Ayon kay Police Brigadier General Felipe Natividad, regional director, PRO-Calabarzon, “Kailangan nating sama-samang kumilos upang mawakasan na ang 51 year-old communist insurgency problem sa bansa at isa lamang ito sa mga inisyatiba at programa ng kasalukuyang gobyerno at ng magkatulong na puwersa ng PNP at AFP.”

Subalit mariing kinondena ng iba’t ibang aktibistang grupo ang mga naturang operasyon.

Ayon sa mga ito, ilegal na crackdown ito ng PNP at militar sa human rights workers ng Timog Katagalugan at tinawag din nila itong “tokhang” sa mga aktibista.

 

IIMBESTIGAHAN

Tiniyak naman ng Palasyo na iimbestigahan ang pagkamatay ng siyam na aktibista sa tinaguriang ‘Bloody Sunday raid’.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, pangungunahan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang imbestigasyon.

“Ang iimbestigahan po, iyong necessity and proportionality kung bakit sila napatay,” ang pahayag ni Sec. Roque.

“Kung walang necessity and proportionality, that would be murder,” dagdag na pahayag nito.

Nauna nang kinondena ng iba’t ibang grupo ang nasabing insidente.

“Hindi kami tatahimik, at nanawagan kami sa lahat ng mga Pilipino na kondenahin ang mga pagsalakay na ito at tumayo sa amin sa pakikibaka para sa hustisya at sa pagtatanggol sa mga karapatan ng mamamayan,” sinabi ni Cristina Palabay, pambansang sekretaryo heneral ng Karapatan, habang hinimok ng kanyang grupo ang Commission on Human Rights (CHR) upang siyasatin ang mga pagsalakay at “tiyakin na ang hustisya at pananagutan ay maihatid para sa mga biktima ng teror at pasismo ng estado.”

Gayunman, sinabi ni Sec. Roque, na ang police operations sa nagdaang linggo ay hindi dapat iugnay sa naging panawagan ng Punong Ehekutibo dahil ang pagpatay sa armadong rebelde ay nasa ilalim ng International Humanitarian law.

“Tama iyong order ng President to kill communists kasi kung ang kalaban ay may armas, alangan namang mag-antay ka lang na ikaw ay mabaril,” ang pahayag ni Sec. Roque.
(NELSON S. BADILLA/NILOU DEL CARMEN/CHRISTIAN DALE/JESSE KABEL)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment