Cruise missiles kontra China? $374-M ARMS DEAL PIRMADO NA — DND

GANAP nang nilagdaan ng pamahalaan at ng private isang arms manufacturer mula sa bansang India ang isang kasunduan para sa pagbili ng supersonic cruise missiles na gagamitin ng Philippine Navy sa pagpapatrolya sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Paglalarawan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, pinakamabilis sa buong mundo ang $374-milyong halaga ng supersonic cruise missiles na gawa ng Brahmos Aerosphere Private Ltd. (BAPL), isang Indian-Russian aerospace logistics provider.

Ani Lorenzana, pirmado na rin niya ang notice of award sa BAPL, hudyat para sa pagde-deliver ng tatlong baterya ng BrahMos missiles, training para sa operators at maintainers, maging kinakailangang integrated logistics support package.

Ang paggawad ng kontrata ay dumating ilang araw matapos maglabas ng Department of Budget and Management (DBM) ng dalawang special allotment release orders na nagkakahalaga ng P2.83 bilyon bilang paunang bayad.

Sa datos ng DND, lumalabas na ang Philippine Navy Shore-Based Anti-Ship Missile Acquisition Project ay bahagi ng second horizon (2018 to 2022) ng Revised Armed Forces of the Philippines Modernization Program.

Ang BrahMos missile ay nagkakarga ng 300-kilogram semi-armor piercing warhead, na kayang puminsala sa pinakamatibay na sasakyang pandigma sa karagatan at may bilis na Mach 2.8 sa 400 kilometer radius mula point of origin. (JESSE KABEL)

80

Related posts

Leave a Comment