PARA sa National Press Club of the Philippines (NPC), isang patikim sa uri ng Robredo Presidency ang ginawang paghahain ng kasong libelo ng kampo ni Vice President Leni Robredo laban sa isang pahayagang nagsiwalat ng umano’y ugnayan ng nasabing opisyal sa isang lider-teroristang nasa ibang bansa.
Sa isang kalatas ni NPC President Lydia Bueno, hindi rin angkop na kaladkarin pa sa demanda laban sa Journal Group of Publications ang namayapang mamamahayag na si Augusto “Gus” Villanueva.
Sa inihaing kaso laban sa Journal Group, partikular na tinukoy sa reklamo ang inilabas na ulat sa People’s Journal at People’s Tonight kung saan ibinulgar ang diumano’y ugnayan ni Robredo kay Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Maria Sison.
“While every person has the right to seek redress from the court, the decision by Mr. Barry Gutierrez to sue the Journal Group for cyber libel last May 6, 2022, over an article linking him and VP Robredo to the Communist Party of the Philippines (CPP) and its chairman, Jose Maria Sison, is a clear indication of where a Robredo presidency is headed— intolerant of any criticism or unsavory news coming from the members of the press,” ani Bueno.
“That the complaint even included the late Journal Group chief editor, Augusto ‘Gus’ Villanueva, who passed away last January 14, 2022, is also an indication of the intolerant character of both Mr. Gutierrez and the Vice President, both prominent public officials,” dagdag pa niya.
Kapansin-pansin din aniya ang pag-asinta ng People’s Journal at People’s Tonight na naglimbag ng balitang lumabas rin sa iba pang news organization.
“Hindi rin ba deserving ang ibang outfit na ito sa kanyang pagkairita? O dahil ba ang Journal Group ay konektado sa isa pang kandidato sa pagkapangulo?”
Samantala, nanawagan ang bagong halal na NPC President sa hanay ng mga peryodista na panatilihin ang pagiging responsable at propesyonal – may halalan man o wala.
“Nananawagan din kami sa kanila na manatiling nagkakaisa at mapagmatyag sa pagprotekta sa kabanalan ng pamamahayag at kalayaan sa pagpapahayag na pinaninindigan nating lahat. Patuloy nating labanan ang anomang anyo ng pag-atake at panliligalig mula sa balat-sibuyas at hindi nagpaparaya na mga kandidato at pampublikong opisyal.” (SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
91