DA at DTI inupakan ni Marcos FARMERS, HOG RAISERS ISINUSUBO SA CARTEL

BINATIKOS ni Senador Imee Marcos ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na inuuna ang importasyon ng bilihin sa halip na palakasin ang transportasyon at pagde-deliver ng mga lokal na produktong pang-agrikultura.

Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, ang “knee-jerk reaction” o pagkataranta ng DA at DTI na gamitin ang importasyon bilang solusyon sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay isusubo lamang ang mga maggugulay, magbababoy, at magmamanok sa mga mapagsamantalang trader at cartel.

Ayon sa Senate Resolution 619 na inihain ni Marcos, kailangan imbestigahan ang Php24 billion emergency funding para sa DA sa ilalim ng Bayanihan 2, pati na rin ang pagkabigo ng DTI na ipatupad ang mga suggested retail price sa mga bilihin.

“Ang kalat at medium-term programs ng DA, kabilang na ang pag-develop sa agri-entrepreneurs at ng mga research at business “corridors,” ay walang direktang maitutulong sa problema ngayon sa mataas na presyo ng bilihin at kapos na suplay,” paliwanag ni Marcos.

“Hindi na dapat ito isinama pa una pa lang sa listahan ng Bayanihan 2, hindi rin naman ito sagot sa pandemya o maging sa kakulangan sa agrikultura na ating kinakaharap ngayon,” dagdag ni Marcos.

Aniya, nangangamba pa rin ang mga magsasakang taga-Benguet na maaaring mabulok ang kanilang ani sa mga lokal na bagsakan dahil sa kakulangan ng mga pick-up at delivery truck.

Habang nangangamba rin ang mga magbababoy na posibleng lalong lumala ang kaso ng African swine fever (ASF) sa bansa sa pagpasok ng mga imported na karne. (NOEL ABUEL)

63

Related posts

Leave a Comment