DA: LUNCHEON MEAT POSITIBO SA AFRICAN SWINE FEVER

dasec12

(NI DAHLIA S. ANIN)

NAGPOSITIBO sa African Swine Fever virus ang ilang de latang nakumpiska sa isang paliparan sa bansa, ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol.

Ang mga pork luncheon meat products mula sa Hong Kong ay nakumpiska sa Clark International Airport noong Marso 25, dahil sa pag-ban ng ahensya sa mga processed pork products mula sa mga bansang apektado ng ASF.

Sinabi ni Piñol na kung hindi nakumpiska ang mga produktong iyon ay maaring kumalat ang ASF dito sa bansa.

“Kung nalulusot po ito at naipakain sa mga alagang baboy ang tira-tira maaring kumalat ang sakit sa ating babuyan at magiging dahilan ng pagkasira ng ating hog industry,” ayon sa kanyang Facebook page.

Isang babala na umano sa industriya ang pagkakahuli sa mga delatang ito at pagkilala sa catastrophic threat na dala ng virus nito sa ating bansa.

Sa ngayon ay ASF-free pa din daw ang bansa.

Ayon naman kay Health Undersecretary Eric Domingo, ang ASF virus ay maari pa ding kumalat kahit na sa processed food.

Ang virus ay mananatiling tulog at kahit processed na ay may maiiwan pa ring virus.

Para maiwasan ang pagpasok ng African Swine Fever sa bansa ay nagpatupad ng ban sa pag-iimport ng karne at pork products ang Department of Agriculture (DA)mula sa mga bansang China, Romania, Russia, South Africa, Zambia, Ukraine, Belgium, Bulgaria, Czech Republic, Hungary, Latvia, Moldova, Poland, China, Vietnam at Mongolia.

Ipinag-utos naman ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagpullout ng processed pork products sa mga tindahan na nagmula sa mga bansang apektado ng virus.

Walang direktang epekto at banta sa kalusugan ng tao ang ASF, pero maaari itong ikasira ng hog industry sa bansa na makaaapekto sa presyo at suplay ng karne sa bansa.

Wala pang vaccine o gamot para sa sakit na ito na unang natuklasan sa Asya noong 2018 sa isang lugar sa Siberia, ayon sa United Nations.

Noong Disyembre 2018, sinabi ng DA na ang mga pork products na mula sa mga apektadong bansa ay kukumpiskahin bago pa man ito makapasok sa loob ng ating bansa.

 

149

Related posts

Leave a Comment