DAGDAG INSENTIBO SA MGA GURO HIRIT NG SOLON

NAGHAIN si Quezon City Rep. Alfred Vargas ng panukalang batas na magkakaloob ng monthly incentives sa mga guro ng pampublikong paaralan na nakatalaga sa labas ng kani-kanilang siyudad, bayan at lalawigan.

Sa kanyang paliwanag sa House Bill 10174, o ang “Distant Public School Teachers Incentives Act,” sinabi ni Vargas na ang pagtatalaga ng mga guro sa mga lugar na nasa labas ng tinitirhang lokalidad ay nangangailangan ng dagdag na gastusin sa parte ng mga guro at ito ay nakaaapekto sa kalidad ng edukasyon.

“It is the hope of this measure to properly recognize and compensate our public school teachers who dedicate their lives to promoting quality and accessible education amidst the hardships of being assigned outside of their residence,” saad niya.

Sa ilalim ng Vargas bill, ang guro sa pampublikong eskuwelahan na nakatalaga sa siyudad o bayan sa labas ng kanyang tirahan ay bibigyan ng dagdag na buwanang allowance na P2,000.

Ang guro naman na nakatalaga sa siyudad o munisipalidad sa ibang lalawigan ay tatanggap ng P4,000 monthly allowance.

Ang incentive allowance ay puputulin kapag ang guro ay inilipat pabalik sa kanyang home city o municipality.

Sa ilalim ng Vargas bill, ang monthly incentive ay hindi papatawan ng buwis. (CESAR BARQUILLA)

199

Related posts

Leave a Comment