DAGDAG NA KORTE AT MGA HUKOM, IGINIIT

HINIMOK ni Senador Raffy Tulfo ang hudikatura na magdagdag ng mga korte at mga hukom para ma-decongest ang mga bilangguan at mapabilis ang paglilitis ng mga nakabinbing kaso.

Ayon kay Tulfo, kung madadagdagan ang mga korte ay mabibigyan na rin ng pag-asa at hustisya ang mga inosenteng inmates na nabubulok sa kulungan habang nililitis ang kaso nila dahil walang pambayad ng piyansa.

Bukod pa dito, iminungkahi ng senador na patawan ng mas mabigat na parusa ang mga awtoridad na nagtanim ng ebidensya para makulong ang inosenteng akusado.

“Countless of innocent inmates are languishing in city jails, ginamit na fall guy at napagtripan dahil mahirap at walang pampiyansa. Overwhelmed din sa kaso ang mga korte kaya kapag nadesisyunan, ilang taon na ang lumipas at ilang taon na ring nagdusa ang biktima. This is anti-poor! Justice delayed is justice denied!” saad ni Tulfo.

“I am proposing a bill na yung mga awtoridad na nagtanim ng ebidensya at sinadyang makulong ang inosenteng akusado ay maparusahan nang kasing-bigat ng kinaso nila sa kanilang biktima. Dapat ay mabigyan din ang inosenteng biktima ng compensation mula sa gobyerno para sa ilang taong pagdurusa nila sa kulungan!” dagdag niya.

Batay sa datos, nasa 1,100 ang court houses at halls of justice sa bansa, ngunit 400 lamang dito ang pag-aari ng Supreme Court (SC). Ang iba ay pag-aari na ng Local Government Units (LGUs).

Sinabi ni Tulfo na hindi siya sang-ayon na ang mga korte ay pag-aari ng LGUs na sila ding bumibili ng mga appliances para dito.

Nagkakaroon anya ng utang ng loob ang mga hukom sa politiko sa ganitong sistema dahil naapektuhan ang kanilang desisyon sa mga kasong dinidinig, lalo pa’t kung ang kabilang ay ang mga taga LGUs.

“Dapat ay mabigyan ng karagdagang budget ang Supreme Court para magkaroon ito ng autonomy at independence na magpatayo ng mga korte ng judges. Dahil sa kakulangan ng budget ng korte, ang LGU pa ang nagpo-provide ng ibang gamit tulad ng aircon, furniture at electronic device para dito, kaya nagkakaroon ng utang na loob ang mga judges sa mga politiko na nagiging untouchables,” saad niya. (Dang Samson-Garcia)

52

Related posts

Leave a Comment