(NI BERNARD TAGUINOD)
MADARAGDAGAN pa ang mga pribilehiyong natatanggap ngayon ng mga senior citizens, dahil nais ng isang mambabatas na libre na ang mga ito sa iba pang uri ng buwis.
Sa House Bill 3647 na inakda ni Davao del Sur Rep. Mercedes Cagas, nais nitong itodo ang mga prebilehiyong ibinibigay sa mga senior citezens bilang ‘memento’ sa naging kontribusyon umano ng mga ito sa bansa noong kalakasan nila.
Kapag naipasa ang nasabing panukala, malilibre na sa real property tax ang mga senior citizens at maging ang buwis na binabayaran sa pagpaparehistro sa sasakyang nakapangalan sa mga ito.
Kasama rin sa mga gustong ilibre sa mga matatatanda na edad 60 anyos pataas ay mga court fees , renewal fees at iba pang bayarin sa pagkuha ng mga dokumento tulad ng Professional Regulation Commission (PRC).
Malilibre din ang mga ito ng parking fees sa lahat ng mga commercial establishment, hospital at iba pang establisyemento basta nakapangalan sa kanila ang sasakyan na dala ng mga ito.
Nais din ni Cagas na ilibre sa color-coding ang mga senior citizens o kaya lahat ng sasakyan na may sakay na matatanda dahil sa kasalukuyan ay kasama ang mga ito sa hindi exempted.
“While the amendments may cover a comprehensive set of privileges, it is but small memento for our appreciation for their sacrifice,” paliwanag ni Cagas sa kanyang panukala.
Sa ngayon ay may 20% ang mga senior citizens sa mga binibiling kailangan tulad ng gamot, pagkain at iba pa bukod sa hindi na rin sinisingil ang mga ito ng value added tax (VAT).
165