Dapat may sapat na testing at quarantine facilities BALIK PROBINSYA ‘DI IPIPILIT SA LGUs

bus66

SINIGURO ng National Housing Authority (NHA) na siyang pangunahing ahensiyang nangangasiwa sa Balik Probinsiya Bagong Pag-asa program, na hindi sila magpapauwi ng mga indibidwal kung walang kapasidad ang lokal na pamahalaan para sa testing at quarantine.

Pahayag ito ni NHA gen. manager at Balik Probinsiya Bagong Pag-asa executive director Marcelino Escalada makaraang magpositibo sa COVID-19 ang dalawa sa unang batch ng mga pinauwi sa visayas region nitong nakalipas na Mayo a bente.

Ani Escalada, dalawang bagay lamang naman talaga ang kalalabasan ng test, ito ay ang pagiging negatibo o positibo.

Subalit ang importante aniya, may kakayahan ang mga probinsyang inuuwian para sa pagsasagawa ng testing at quarantine.

Kung wala naman aniyang kapasidad o kakayahan ang LGU ay hindi sila magpapauwi ng mga galing sa Metro Manila.

May ilang mga sector at LGUs ang una nang naghayag kamakailan ng kanilang pangamba sa timing umano ng programang ito, dahil baka dumagdag lamang sa kanilang pasanin sa panahong ipit sila sa sitwasyon dahil wala pang pagkakakitaan sa ilang lalawigan at wala pa rin namang bakuna laban sa COVID-19.

Subalit, nanindigan si Escalada na hindi ito debatable.

Sa halip aniyang magreklamo ay dapat simulan na ng LGUs ang paghahanda para sa adhikaing ito dahil kailangan ding ikonsidera ang lagay ng pamumuhay ng mga Pinoy sa Metro Manila na nakikipagsiksikan sa espasyo, walang pagkain, walang bahay at hirap sa pakikipagsapalaran, kumpara kung uuwi sila sa probinsiya at doon na mamumuhay nang matagal at maghahapbuhay kasama ang kanilang pamilya. CHRISTIAN DALE

100

Related posts

Leave a Comment